ABS-CBN continues to earn global recognition after taking home a Gold World Medal and a Bronze Medal from the prestigious 2019 New York Festivals (NYF) “World’s Best TV and Films” Competition, which was held on April 9 in Las Vegas, Nevada, USA.
“Local Legends,” nag-uwi ng Bronze World Medal
Tuloy ang pag-ani ng pagkilala ng ABS-CBN mula sa ibang bansa matapos manalo ng Gold World Medal at Bronze World Medal sa prestihiyosong 2019 New York Festivals “World’s Best TV and Films” Competition, na ginanap noong Abril 9 sa Las Vegas, Nevada sa Amerika.
Nanguna sa mga nanalo mula sa Kapamilya network ang Mother’s Day TV spot para sa ABS-CBN News na pinamagatang “Elsa and Sarah,” na nagwagi ng gintong medalya sa kategoryang Station/Image Promotion. Ipinasilip dito ang kwento nina Elsa Badilla, isang inang nabubulag na, at ang anak niyang si Sarah, na mayroon namang down syndrome, na nagsisilbing mata at lakas ng isa’t isa sa buhay. Unang itinampok ang kanilang kwento sa programang “Mission Possible.”
Gawa ang “Elsa at Sarah” plug ng ABS-CBN Creative Communications Management division sa pangunguna nina Robert Labayen, Patrick De Leon at Faith Zambrano-Pascual. Konsepto ito at sulat ni Lawrence Arvin Sibug sa direksyon ni Lorenz Roi Morales. Noong 2018, nanalo naman ang CCM ng Silver World Medal sa NYF para sa kanilang “To Love and To Serve” campaign.
Muli ring nagtagumpay sa NYF ang documentary series na “Local Legends,” na kuminang sa kategoryang Biography/Profiles para sa episode nitong “Karne Norte” tungkol sa mga gumagawa ng tradisyonal na corned beef sa Masbate. Isang produksyon ng ABS-CBN DocuCentral, layunin ng programa ang ibida ang kultura at tradisyong Pilipino. Noong nakaraang taon, nag-uwi ito ng Silver World Medal sa Cinematography division para sa episode na “Bandurria.”
Samantala, nagpakilala rin sa mundo ang ABS-CBN current affairs program na “Mission Possible” na nakatanggap naman ng finalist certificate sa Best Public Affairs Program category para sa episode na “Kapit Lang Anak.” Kasama ang anchor na si Julius Babao, mapapanood sa episode na ito ang pinagdadaanan araw-araw ng mag-inang Elsa at Sarah, at ang kanilang katatagan sa kabila ng kanilang mga karamdaman. Napapanood tuwing Sabado ng 6 am ang “Mission Possible” sa ABS-CBN.
Kinikilala ng New York Festival’s World’s Best TV & Films competition ang mga programa at palabas mula sa higit 50 na bansa na ipinapakita ang mga pangyayari sa mundo at nagsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon.
Binubuo ng 186 na propesyonal mula sa buong mundo ang jury board ng NY Festivals na siyang tumitingin sa mga entry. Kabilang dito ang ABS-CBN Integrated News and Current Affairs head na si Ging Reyes, na nasa advisory board rin ng NY Festivals, at ang ABS-CBN CCM head na si Robert Labayen.
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa
abscbnpr.com.