“Kuha Mo!” features user-generated content that sheds light on the stories of individuals who experienced and survived dangerous incidents like accidents, calamities, and crime. Featuring real footage from cellphone, CCTV, security, and dashboard cameras, the program aims to remind Filipinos to be vigilant and to equip them with knowledge on what to do to prevent and how to handle harmful and life threatening situations.
Bagong programa tuwing Sabado sa ABS-CBN
Hihimayin ni Anthony Taberna ang iba’t ibang eksenang nahagip ng kamera sa “Kuha Mo!,” ang pinakabagong programa ng ABS-CBN na mapapanood na ngayong Sabado (Abril 27) pagkatapos ng “SOCO.”
Tampok sa “Kuha Mo!” ang iba’t ibang pambihirang video na sinumite ng mga nakaranas at nakaligtas sa mga aksidente, kalamidad, at krimen. Gamit ang mga video mula sa cellphone, CCTV, security, at dashboard kamera, layunin ng programa na hikayatin ang mga Pilipino maging alerto at maingat, pati na rin mag-malasakit sa panahon ng aksidente.
Ayon kay Anthony, na kilala rin bilang Ka Tunying sa ilang taon niya bilang news anchor at commentator sa radyo at TV, gagamitin ng programa ang teknolohiya upang ipakita ang krimen o aksidenteng nangangailangan ng aksyon mula sa kinauukulan para sa kaligtasan at kaalaman ng lahat.
“Gusto natin malaman ng mga Kapamilya ang mga peligro at sakunang nangyayari araw-araw, pero mas importante pa na alalahanin nating magmalasakit sa kapwa,” sabi ni Anthony. “Walang saysay ang teknolohiya kung hindi mo alam ang gagawin mo sa mga sitwasyong ito at hindi ka nakialam kapag naging saksi ka sa mga sakuna.”
Sa unang episode, tatalakayin ni Ka Tunying ang mga madalas at hindi pang-karaniwang aksidente sa daan, katulad ng salpukan ng truck at motorsiklo, pagsabog ng fire extinguisher, at ang pagdulas sa kalsada ng orange safety barrier mula bangketa. Gamit ang mga video ng totoong pangyayari, susuriin ng “Kuha Mo!” ang mga naganap at aalamin ang mga tamang gawain upang maligtas dito at maiwasang mangyari ito ulit. Ipapakita rin sa programa ang mga kwento ng mga nakaligtas sa mga aksidente upang matuto rin ang publiko sa karanasan nila.
Makakatulong ng programa ang buong bayan sa pagsusuri sa mga sakuna dahil bukod sa mga archive video ng ABS-CBN, security footage mula sa mga barangay at LGU, ay gagamit rin ang mga viral video na kuha ng netizens.
Upang magmulat ng kamalayan sa mga sitwasyong maaaring pagmulan ng aral, gagawa rin ng mga social experiment si Ka Tunying. Ngayong Sabado, titingnan ng “Kuha Mo!” kung ano ang gagawin ng mga pasahero sa jeep kapag may ninanakawan sa harap nila.
Mamangha, maki-alam, at magmalasakit kasama si Anthony Taberna sa “Kuha Mo!” tuwing Sabado, 5:15 pm pagkatapos ng “SOCO” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Panoorin sa online sa iwant.ph o sa skyondemand.com.ph. Sundan ang programa sa Facebook, Twitter, at Instagram sa @ABSCBNKuhaMo. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa abscbnpr.com.