Mas titindi pa ang tagisan ng galing para sa pag-abot ng mga pangarap sa paghirang ng Top 12 Idol Hopefuls ng “Search for the Idol Philippines” noong Linggo (Hunyo 23).
Matapos ang mahigpit na tapatan sa Solo Round, anim na babae at anim na lalaking mang-aawit na lang ang magpapatuloy sa live round.
Pasok sa listahan si Dan Ombao na muling lumalaban para sa kanyang pangarap, pati na rin si Elle Ocampo, na nakilala sa naiiba niyang boses at style. Patuloy ding papatunayan ni Fatima Louise na karapatdapat siyang manalo sa kompetisyon gamit ang talento, samantalang dala-dala naman ni Lance Busa ang karanasan niya bilang singer abroad para makipagsabayan sa mga katapat.
Magpapatuloy din sa laban sina Lucas Garcia at Matty Juniosa na parehong iniaalay ang laban para sa kani-kanilang butihing ina. Kasama rin nila sa listahan si Miguel Odron, na nakipagsapalaran nang bumalik sa Pilipinas para sa kanyang pangarap, at ang youth ambassadress na si Rachel May Libres na bukod sa angking ganda ay may nakakabilib ding talento sa pag-awit.
May pwesto rin sa Top 12 sina Renwick Benito na isa sa mga unang nagmarka sa mga manonood dahil sa kanyang kwento at boses, si Sheland Faelnar na hinahangaan dahil sa agaw-pansing boses, si Trish Bonilla na gaya ng ina ay may hindi matatawarang talento sa pagkanta, at Zephanie Dimaranan na kahit isa sa mga pinakabata ay walang takot na nakikipagsabayan sa kantahan.
Mas magiging mahirap na ang laban ng Top 12 Idol hopefuls sa live rounds dahil may kapangyarihan na ang publiko na iboto ang kanilang pambato. Linggo-linggo, ang Idol hopeful na may pinakamababang boto ang matatanggal at hindi na magpapatuloy sa kanyang Idol journey.
Sino kaya sa Top 12 ang patuloy na magpapabilib sa mga manonood?
Panoorin ang Idol hopefuls sa pagkamit ng kanilang pangarap sa “Search for the Idol Philippines” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.