News Releases

English | Tagalog

Enchong, magsasakripisyo para sa magulang, kapatid, at pamilya sa "MMK"

June 04, 2019 AT 07:49 PM

Bibigyang buhay ni Enchong Dee ang kwento ng isang lalaking buong pusong isinakripisyo ang sarili para sa magulang at kapatid habang pilit pinupunan ang responsibilidad bilang ama sa sariling pamilya sa pagbubukas ng ika-28 anibersaryo ng “MMK” ngayong Sabado (June 8).
 
Lumaking sabik sa pagkalinga si Melvin (Enchong) dahil sa pagbuhos ng pag-aaruga ng mga magulang niya sa kapatid niyang si Michael (Zaijian Jaranilla) na may cerebral palsy. Dahil dito, nangako siya sa sarili na ibibigay niya ang kanyang buong atensyon sa magiging pamilya at hindi ipapadanas ang kanyang pinagdaanan.
 
Ngunit nabigo siyang tuparin ito dahil sunod-sunod na unos ang nagtulak sa kanyang pumili sa pagitan ng kanyang pamilya at buhay may asawa.
 
Una rito ang pagkakaroon ng malubhang sakit ng kanyang ama na dumagdag sa kargo niya sa pagbubuntis ng asawa. Sinundan pa ito ng balitang may autism ang kanyang anak habang nagpapagaling mula sa kidney operation ang kanyang nanay, dahilan para siya ang sumalo sa responsibilidad na alagaan ang may sakit na kapatid.
 
Dahil sa pagsulpot ng sari-saring problema, masusubok din ang relasyon ni Melvin sa asawa dahil sa oras na inaagaw ng kanyang pamilya mula sa kanila. Mas malaking unos din ang haharapin niya dahil sa hindi inaasahang pagkakataon, mamamatay ang kanyang ama at kapatid na magdudulot sa kanya ng lubos na paghihinagpis.
 
Paano nga ba makakabangon si Melvin mula sa paghihirap na kanyang dinaranas?
 
Huwag kalimutang panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang “MMK,” tuwing Sabado sa ABS-CBN. Para sa mga update, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o magpunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.