News Releases

English | Tagalog

Buong NCAA, magkakaisa sa pagbubukas ng Season 95 sa S+A at iWant

July 01, 2019 AT 05:25 PM

Sama-sama ang buong komunidad ng NCAA sa pagbubukas ng ika-95 na season ng pinakamatagal na collegiate league sa bansa na eere ng LIVE ngayong Linggo (Hulyo 7) mula sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa ABS-CBN S+A sa TV at online sa iWant simula 11:30 am.
 
Sanib-pwersa rin ang mga rakista sa opening ceremony na paliliyabin ng OPM rock icon na si Bamboo at ng mga nanalo sa NCAA Battle of the Bands kabilang ang kampeon na Cherry Band mula Mapua, para simulan ang isa na namang taong puno ng aksyon, inspirasyon, at mga sorpresa.
 
Unang makakatikim ng aksyon sa court ang Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Knights at ang Season 94 finalist na Lyceum of the Philippines University (LPU) Pirates sa 2 pm, kasunod ang Season 95 host na Arellano University (AU) Chiefs at ang umaasinta ng ikaapat na sunod na kampeonato na San Beda University (SBU) Red Lions sa 4 pm.
 
May temang “Kaisa sa Pagkakaiba” ang Season 95 na ibinibida ang pagkakaisa ng 10 miyembrong paaralan ng NCAA - AU, CSJL, LPU, MU, SBU, College of Saint Benilde, Emilio Aguinaldo College, Jose Rizal University, San Sebastian College – Recoletos, at University of Perpetual Help System DALTA - sa kabila ng matinding kompetisyon sa liga at mga pagkakaiba ng isa’t isa.  Mayroon ding aabangang bago at iba ang fans mula sa NCAA at ABS-CBN Sports na mas pasasayahin pa ang pagsubaybay nila sa season.
 
Kabilang dito ang pagpapakilala sa bagong sport na “HADO,” na parang isang dodgeball game na gumagamit ng mga virtual na fireball. Gaganapin sa mga NCAA school ang kompetisyon dito kung saan ang magkakampeon sa buong bansa ay ipadadala sa Japan para lumaban para sa Pilipinas.
 
Kapalit ng courtside reporters, kukuha ang ABS-CBN Sports ng mga campus correspondent mula sa bawat paaralan na maghahatid ng eksklusibong kwento sa kanilang mga team at atleta gamit ang social media. Ipapalabas din ang mga vlog nila tuwing halftime sa TV.
 
Samantala, magbabalik din ang NCAA On-Tour, kung saan inilalapit ang liga sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga laro sa loob mismo ng mga campus. Tulad ng dati, makakasama ng NCAA ang ilang Kapamilya artists para magdala ng saya sa mga mag-aaral.
 
Kaabang-abang din ang weekend game ng NCAA tampok ang Mapua vs. Arellano at Letran vs San Beda sa Agosto 10. 
 
Huwag palampasin ang pagbubukas ng NCAA Season 95 sa pangunguna ng host na Arellano University ngayong Linggo (Hulyo 7) LIVE mula sa Mall of Asia Arena sa Pasay City simula 11:30 am. Mapapanood ang NCAA sa S+A, S+A HD, LIGA, LIGA HD, at online sa iWant, TFC.tv, at sports.abs-cbn.com tuwing Martes, Huwebes, at Biyernes.
 
Para sa balita sa NCAA, sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook at Twitter o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abscbnpr.com.