Ihahatid ng ABS-CBN sa buong bansa ang nalalapit na laban ni “Pambansang Kamao” Sen. Manny Pacquiao kontra kay World Boxing Association (WBA) super welterweight champion Keith Thurman sa iba-ibang plataporma nito sa TV, cable, radyo, at online.
Ekslusibong matutunghayan sa Kapamilya network ang inaabangang laban sa darating na Hulyo 21 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas,USA, na mapapanood sa buong bansa sa ABS-CBN Ch.2 ng 10 am at ipapalabas muli ng 3 pm sa ABS-CBN S+A. Live naman itong eere sa cable TV sa SKY Sports PPV at live ding mapakikinggan sa radyo sa DZMM Radyo Patrol 630 kasama sina Dyan Castillejo at Quinito Henson simula 9 am. Mapapanood rin ang buong laban sa online sa iWant simula Hulyo 22.
Matatandaang tinalo ni Manny, ang regular welterweight champion ng WBA, ang Amerikanong si Adrien Broner noong Enero at si Lucas Mathysse naman noong patapos ang taon ng 2018. Tangan-tangan ng pambato ng Pilipinas ang 61-7-2 na rekord na tinadtad niya ng 39 na knockout.
Samantala, magsisilbing unang laban ni Keith Thurman sa loob ng dalawang taon ang kanyang pagharap kay Pacquiao. Dala niya ang kanyang 30-0 na kartadang may 22 na knockout at isang no-contest. Si Josesito Lopez ang kanyang huling nakasagupa at natalo sa desisyon.
Sa panayam ni Dyan kay “Pacman” sa “The Score” sa S+A, ipinaliwanag ni Pacquiao kung bakit patuloy pa rin siyang lumalaban sa kabila ng marami niyang tagumpay sa boksing. “Gusto kong patunayan na sa edad na 40, kaya ko pa lumaban, at nagpapasalamat ako sa Diyos dahil binigay niyo itong kalusugan at lakas na hindi lahat ng boksingero naranasan ang ganito pag nagka-edad na,” bahagi niya.
“Motivated ako sa kalaban ko. Madami siyang trash talk at gusto ko na yung mga sinasabi niya, makikita niya sa loob ng ring,” sabi ni Pacman ukol sa balitang ibang klaseng gana ang kanyang pinapakita sa pag-eensayo para kay Thurman.
Huwag palampasin ang eksklusibong coverage ng Pacquiao-Thurman sa iba-ibang plataporma ng ABS-CBN at saksihan ang lakas at tapang ng “Pambansang Kamao” sa kanyang pagsagupa para sa korona sa WBA super welterweight division kontra kay Keith Thurman LIVE sa SKY Sports PPV at DZMM Radyo Patrol 630 ng 9 am. Mayroon ding real-time updates sa news.abs-cbn.com.
Mapapanood din ang naturang laban sa ABS-CBN Ch.2 sa ganap na 10 am at 3 pm naman sa S+A. Maeenjoy naman ng Pinoy fans ang laban ng paulit-ulit sa iWant simula Hulyo 22.
Para sa balita sa sports, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa
sports.abs-cbn.com. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.