“Mga Batang Poz,” based on a best-selling novel, is an advocacy series about the journey of four HIV-positive teenagers.
Paano ipinagpapatuloy ng mga taong may human immunodeficiency virus (HIV) ang buhay nila sa kabila ng panghuhusga at mga hamon ng sakit? Ano nga ba ang dapat o maaaring gawin ng mga kapamilya at kaibigan ng mga taong may HIV?
Para bigyang kaalaman ang publiko sa HIV at bigyan ng pag-asa ang mga taong mayroon nito pati na ang kanilang mga pamilya, ilulunsad ng streaming service na iWant ang bagong advocacy series nitong “Mga Batang Poz,” na mapapanood na simula Biyernes (Hulyo 26) sa iWant app o iwant.ph.
Tampok sa serye ang mga bidang sina Mark Nuemann, Fino Herrera, Paolo Gumabao, at Awra Briguela na gaganap bilang mga teenager na may HIV. Idinirek ito ng award-winning writer-director na si Chris Martinez at base naman sa nobela ng Palanca-winning author na si Segundo Matias, Jr.
Dadalhin ng serye ang mga manonood sa araw-araw na pinagdadaanan ng mga taong may HIV o “poz,” mula sa mga pag-aalinlangan na dala ng sakit, sa pangangalaga ng kanilang kalusugan sa pamamagitan ng mga gamot, at sa paglaban sa panghuhusga ng ibang tao.
Gagampananan ni Mark si Gab, isang 16 anyos na bisexual na may girlfriend at nahulog ang loob sa lalaking best friend. Gaganap naman si Fino bilang si Luis, 15, isang Filipino-Chinese na mahilig sa dating apps at masasanay sa pakikipagtalik nang walang condom.
Bibigyang buhay naman ni Awra si Chuchay, 15, isang masayahing batang lumaki sa kahirapan at gagamitin ang sex para kumita ng pera para sa pamilya. Samantala, si Paolo naman si Enzo, isang 16 anyos na Wattpad writer na hindi kailanman naramdaman ang pag-aaruga ng kanyang mga magulang at isasakripisyo ang kalusugan para sa pagmamahal ng isang lalaki.
Magkakakilala sina Gab, Luis, Enzo, at Chuchay sa internet at kalauna’y magiging magkaibigan at magkikita sa isang coffee shop. Mula rito, magsisimula ang samahan nila para damayan at paghugutan ng pag-asa ang isa’t isa, harapin ang mga hamon na dala ng HIV, at ipagpatuloy ang buhay para sa kani-kanilang mga pangarap.
Bukod sa serye, palalawigin pa ng iWant ang pagbibigay ng impormasyon sa HIV sa isang exclusive special na “Poz Talk” kasama si Karen Davila, ang apat ng bida ng serye, ang author ng nobela, at mga taong may HIV na ibabahagi ang kanilang mga karanasan. Mapapanood din ito sa iWant sa Biyernes (Hulyo 26).
Ang Pilipinas ang isa sa mga bansa kung saan pinakamarami ang naitatalang kaso ng HIV sa buong Asia-Pacific region, ayon sa Department of Health (DOH). Pabata rin nang pabata ang nakakakuha ng naturang virus, partikular na ang mga Pinoy na may edad 15 hanggang 24, base sa datos ng Philippine National AIDS Council. Ngayong 2019, iniulat ng DOH na may 38 na bagong kaso ng HIV ang naitatala araw-araw, mula sa 32 noong 2018.
Ang “Mga Batang Poz” ay isinulat ni Jerry Gracio mula sa nobela at ipinrodus naman ng Unitel, StraightShooters, Inc., at Dreamscape Digital. Kasama sa cast nito sina Yayo Aguila, Bobby Andrews, Joem Bascon, Gardo Versoza, Rita Avila, Mark Rivera, Benedict Campos, Raven Molina, Chesca Inigo, Patty Mendoza, Soliman Cruz, Tarek El Tayech, Dolly De Leon, Marina Benipayo, Chienna Filomeno, Ricardo Cepeda, Andrew Gan, Arnold Reyes, Angeli Agbayani, at Irma Adlawan.
Panoorin nang libre ang buong anim na episodes ng “Mga Batang Poz” pati na ang “Poz Talk” ngayong Biyernes (Hulyo 26) sa iWant app (iOS at Android) o sa iwant.ph. Para sa karagdagang updates, i-like ang
www.facebook.com/iWant, at sundan ang @iwant sa Twitter at @dreamscapedigital at @iwantofficial sa Instagram.
Para naman sa HIV counseling, testing, paggamot, at iba pang katanungan, ikontak lang ang Love Yourself Inc. at i-email ang
info@loveyourself.ph o bisitahin ang
www.loveyourself.ph. Maaari ring tumawag sa National Youth Commission hotlines na 426-8479 at 371-4603.