News Releases

English | Tagalog

Laban ng limang Pinoy sa "ONE: Dawn of Heroes," LIVE sa S+A at iWant

July 31, 2019 AT 02:23 PM

Muling nagbabalik ang ONE Championship sa Maynila hatid ang isang kargadong kartada tampok ang limang mandirigmang Pilipino sa “Dawn of Heroes” na mapapanood ng LIVE sa ABS-CBN S+A, S+A HD, iWant, at sa ABS-CBN Sports Facebook page ng 8:30 pm mula sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
 
Hindi na makapaghintay magpakitang-gilas ang Team Lakay na pangungunahan ni Eduard “Landslide” Folayang sa pinakamalaking laban ng kanyang karera bilang isang mixed martials arts (MMA) fighter kontra sa dating world champion na si Eddie Alvarez sa lightweight world grand prix ng ONE.
 
Kasama niya sa pagtayo ng ating bandila ang kakampi na si Danny Kingad na haharapin ang Fil-Australian na si Reece McLaren sa flyweight world grand prix. Sasalang din sina dating ONE flyweight champion Geje Eustaquio, dating ONE featherweight champion Honorio Banario, at Edward Kelly laban kina Yuya Wakamatsu, Dae Sung Park, at Xie Bin.
 
Espesyal ang “Dawn of Heroes” dahil sa unang pagkakataon, mapapanood ito sa ABS-CBN tampok ang komentaryo sa salitang Pilipino sa Sunday’s Best sa Agosto 11. Mga boses nina ONE Championship heavyweight king Brandon Vera, ABS-CBN sports anchor na si Anton Roxas, at Theo Castillo ang maririnig sa laban na mas maiintindihan na ngayon ng manonood.
 
Para kay ABS-CBN Sports head Dino Laurena, ang pagtatanghal ng ONE Championship fightcard na ito sa nangungunang channel sa Pilipinas ang patunay na patuloy na lumalawak na ang naaabot ng MMA sa bansa, na talagang nagpapakita ng pusong palaban ng mga Pilipino.
 
Sabik na rin si Anton na mailapit pa ang ONE Championship sa Pinoy sports fans at tumulong sa pagpapalawak pa ng hilig at kaalaman ng ating mga kababayan sa martial arts.
 
Bukod sa mga Pinoy na lalaban, kaabang-abang din ang pagdepensa ni Martin “Situ-Asian” Nguyen sa kanyang ONE featherweight world title sa main event kontra sa Hapon na si Koyomi Matsushima. Sasabak din sa loob ng hawla si dating world champion Demetrious Johnson sa natitirang flyweight world grand prix semifinal match kontra kay Tatsumitsu Wada.
 
Huwag palampasin ang pagkakataong mapanood ang lima nating mandirigma mula sa Team Lakay sa umaatikabong aksyon sa loob ng ring ng ONE Championship sa S+A, S+A HD, at sa livestreaming sa iWant at Facebook sa “Dawn of Heroes” ngayong Biyernes (Agosto 2) simula 8:30 pm. Panoorin din ang espesyal na telecast kung saan madidinig ang boses nina Brandon Vera, Anton Roxas, at Theo Castillo sa ABS-CBN Sunday’s Best pagkatapos ng “GGV” sa August 11.
 
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa ONE Championship, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.