Premiere of new Kapamilya show that teaches lessons attracts more viewers nationwide
Sa kabila ng isang malaking trahedya ng nakaraan at isang misteryosong pagsiklab ng mga lintang umaatake sa mga tao, kaya bang manaig ng pagmamahal laban sa kasakiman, kasinungalingan, at agawan?
Isang mahiwagang kwentong kapupulutan ng aral ng mga manonood ang napapanood na sa ABS-CBN na “Parasite Island,” na nagsimula nang umere kagabi (September 8) at tinutukan ng sambayanan sa pagkakakuha nito ng national TV rating na 30% laban sa 17.3% ng “Daig Kayo ng Lola Ko,” base sa datos ng Kantar Media.
Isang magaling na paramedic si Jessie (Rafael Rosell) ngayon, lumaki itong pasaway matapos siyang sisihin sa pagkamatay ng tatay niya nang salbahin siya nito mula sa pagkalunod sa lawa sa isla ng El Cuerpo.
Hindi man si Jessie ang may kasalanan, si Jessie pa rin ang itinuturong dahilan nito ng kanyang mga kapatid kahit na sinabi na ni Jessie na isang babaeng puro linta ang pumatay sa kanyang ama.
Higit dalawang dekada na ang lumipas nang mangyari ito, ngunit binabagabag pa rin si Jessie ng kanyang konsensya dahil sa nangyari sa ama. Nagtuloy-tuloy pa ang pagiging lasenggo ni Jessie na siya ring naging dahilan ng pagkawasak ng sarili niyang pamilya at relasyon sa asawang si Janelle (Ria Atayde).
Sa pagsapit ng ika-70 na kaarawan ng kanyang inang si Daria (Liza Lorena), umuwi si Jessie sa El Cuerpo at ang mga sakim niyang kapatid na sina Warren (Michael Flores) at Gary (Bernard Palanca), na ang tanging gusto lamang ay ipamana sa kanila ang malaking bahagi ng kayamanan ng kanilang ina.
Pagkatapos ng selebrasyon, matutuklasan ang totoong intensyon ng bawat miyembro ng pamilya, samantalang magsisimula na ang pagsakop ng kakaibang epidemya.
Sa kabila ng nakakahawang kondisyon, masusubukan ang pag-aaruga nila sa kapwa at ang tunay na pagmamahal nila para sa kanilang pamilya. Ang trahedyang dala ng mga linta na ba ang maging sagot sa paghilom ng kanilang mga sugat, o maging mitsa lamang ito ng tumitinding inggitan at alitan sa buong mag-anak?
Tampok rin sa Dreamscape Entertainment production sina Desiree del Valle, Zeppi Borromeo, Fino Herrera, Charlie Dizon, Kaori Oinuma, Paulo Angeles, Ian Galliguez, at Bianca Manalo. Idinirek ito nina Avel Sunpongco and Richard Arellano.
Tutukan ang mga inaabangang tagpo sa “Parasite Island,” tuwing Linggo, 7PM, sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow lang ang ABS-CBN PR sa Facebook (
fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).