News Releases

English | Tagalog

Digitally Restored na “Ang Tv Movie The Adarna Adventure” at “Saan Ka Man Naroroon" palabas sa Power Plant Cinema

September 21, 2019 AT 02:21 PM

Mga bagong digitally restored films ang handog ng ABS-CBN Film Restoration sa “Reelive The Classics” sa pagpapalabas nito ng remastered versions ng “Ang TV Movie The Adarna Adventure,” “Saan Ka Man Naroroon,” at iba pang classic Filipino films sa Power Plant Mall simula Setyembre 20 hanggang 26.

Una nang napalabas noong Biyernes (Setyembre 20) ang digitally restored version ng “Ang TV Movie the Adarna Adventure” na dinaluhan ng lead stars ng pelikula na sina Patrick Garcia, Camille Prats, Gio Alvarez, Guila Alvarez, at Paolo Contis.

Hangad ni Camille na may mapulot na aral tungkol sa pagkakaibigan ang bagong henerasyon ng mga manonood sa kanilang pelikula gaya ng kung paano ito ipinakita ng kanilang karakter.

“Bihira na sila gumawa ng ganitong proyekto. Mayroong importanteng aral ito tungkol sa pagkakaibigan. Nagtulong-tulong kami dito bilang magkakaibigan para maibigay sa lola ni Angelica (Panganiban) ‘yung Ibong Adarna para gumaling siya,” kwento niya.

Sabi naman ni Paolo, nanatili pa rin siyang malapit sa ilan sa kanyang kasama sa pelikula at kung may pagkakataon, hangad din niyang makasama muli ang buong cast.

“Ang alam ko 11 o 12 (years old) ako nung ginawa ko ‘tong movie. Actually hanggang ngayon ‘yung iba sa kanila nakakasama ko pa rin. Kahit hindi sa movie, makapag-reunion lang, masaya na ‘yun,” sabi niya.

Espesyal naman para sa ngayong isa nang ama na si Patrick ang event dahil sa unang pagkakataon, mapapanood siya ng mga anak niya sa big screen.

“It’s a special moment for me and my family kasi first time ako mapapanood ng mga anak ko sa pelikula. It’s a clean, wholesome, and fun comedy na maa-appreciate ng kahit anong generation,” ani ng dating child star.

Kasama nila ang mga manonood na binalikan ang masayang kwento ng magkakaibigang naglakbay sa kaharian ng Berbanya, kung saan tinulungan nila ang isang prinsipe hulihin ang ibong Adarna, na isa palang isinumpang prinsesa, upang magamot ang kanyang ama.

Bukod naman sa 1996 film ng Star Cinema, ang remastered version ng “Saan Ka Man Naroroon” ay matutunghayan naman sa Setyembre 22 (Linggo). Muling magdadala ng kilig ang pelikulang pinagbibidahan nina Richard Gomez at Dawn Zulueta sa kwento nito tungkol sa dalawang taong pinaghiwalay ng tadhana pero muling nahanap ang daan tungo sa isa’t-isa.

Samantala, may pagkakataon din ang mga manonood balikan ang iba pang restored Filipino films na “Hihintayin Kita sa Langit,” “Minsa'y Isang Gamu-Gamo,” “Bad Bananas sa Puting Tabing,” “Sarah... Ang Munting Prinsesa,” “Eskapo,” “Tanging Yaman,” at “Gimik: The Reunion.”

Umabot na sa halos 180 na pelikula ang na-restore ng ABS-CBN Film Restoration Project, at ilan sa mga ito ay naipalabas na rin sa international film fests, local red carpet premieres, free-to-air at cable television, pay-per-view at video-on-demand platforms, DVD releases, at iTunes.

Pumunta sa www.facebook.com/filmrestorationabscbn para sa karagdagang impormasyon tungkol sa screening schedules ng digitally restored films. Para sa updates, i-follow ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).