May dagdag na pamaskong tunog ang nakaka-LSS na kanta ni Ianna Dela Torre na "PINAPA" dahil mapapakinggan na sa Biyernes (Nobyembre 20) ang Christmas remix nito.
"Itong panahon na puno ng pag-asa at saya sa gitna ng pandemya, kailangan ng positive na kanta. 'Yung ‘PINAPAsaya,’ ‘PINAPAkilig,’ at ‘PINAPAtawad,’ tatlong salita na nagde-describe ng universal language ng holiday season,” sabi ng 18-anyos na singer.
Bago ilabas ang pinakabago niyang single, nakakuha rin ng positibong pagtanggap ang kanta ni Ianna na "Wala Kang Kapalit," na mayroon nang mahigit isang milyong combined Spotify streams at music video views sa YouTube at Facebook.
Kumuha rin ng inspirasyon ang "PINAPA Christmas" sa lead single ng debut album ni Ianna, na ngayon ay dinagdagan ng nakakaindak at masayang arrangement, na mas nagbigay-kulay sa positibong mensahe ng kanta na magpatawad sa isang relasyon kahit na maraming pagkakamali o pagsubok.
Si David Dimaguila ang sumulat at nag-compose ng awitin, habang ang Christmas remix naman nito ay in-arrange nina Melvin Morallos at Tommy Katigbak at ipinrodyus at minix ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo.
Nitong Oktubre, inilabas na ang mga nanalo sa #PINAPADanceChallenge na inilunsad kapalit ng enggrande sanang 18th birthday celebration ni Ianna at para na rin makatulong sa mga Pilipinong naapektuhan ng pandemya.
Magpatawad at humataw na sa "PINAPA Christmas" ni Ianna, na mapapakinggan na sa iba't ibang digital music streaming platforms simula sa Biyernes (Nobyembre 20). Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).