News Releases

English | Tagalog

Pagbabalik telebisyon ni Julia sa "24/7" agad pumatok

February 27, 2020 AT 12:04 PM

Mainit ang naging pagtanggap ng mga manonood sa pagbabalik telebisyon ni Julia Montes matapos maging numero unong palabas ang weekly action-drama na “24/7” noong Linggo (Pebrero 23).

Nagkamit ang pilot episode ng serye ng national TV rating na 27%, o halos sampung puntos na lamang sa katapat nitong palabas na “Daig Kayo ng Lola Ko” (17.1%), ayon sa datos ng Kantar Media.

Sari-sari naman ang naging papuri ng netizens sa mabilis na takbo ng kwento at mahusay na pagganap ng mga bida.

“Nakakamangha ang atake ng Dreamscape (unit) sa isang scifi na material: nakakagulat ang plot twist, nakakapanibago ang timeslot, mabilis ang kwento, mahusay ang cinematograpahy, bigatin ang cast, at pinagbibidahan pa ni Julia Montes? Iyan ang world-class na serye,” sabi ng Twitter user na si @maraxschnittka.

“24/7 ang klase ng palabas na matagal na naming gusto. Itinaas nito ang standard ng kung ano ba ang dapat asahan sa isang Filipino na serye. Pang-international bes! Napakahusay ni Julia Montes,” sabi ng fan na si @gilperez365.

“Nagusutuhan ko ang kwento at ang sumorpresa talaga sa akin ay yung dulo ng episode. Hindi lang ito tungkol sa parasite o dengue epidemic pero tungkol din ito sa oras at pagkakataon na baguhin ang masalimuot na kwento ng kanyang ina. Napakaganda,” komento naman ng YouTube user na si Prince Jay Amper.

Sa unang episode ng serye, nakilala ng mga manonood si Mia (Julia), isang guard na ibinuwis ang buhay para mailigtas ang anak niyang si Xavier mula sa bago at mapanganib na klase ng dengue sa pilit niyang pagkuha ng gamot mula sa isang pharmaceutical company.

Ngunit isang palaisipan ang naiwan dahil biglang bumalik ang lahat sa nakaraan nang iprinesenta ng ngayon ay binata nang si Xavier (Tony Labrusca) ang kanyang imbensyon sa isang pagpupulong. Mula sa taong 2045, mabilis na bumalik ang oras sa 2020, sa loob ng bahay ni Mia, ilang araw bago ang kanyang pagkakapaslang.

Paano nga ba makakatulong ang imbensyon ni Xavier para maituwid ang katotohanan?

Panoorin ang kauna-unahang weekly action-drama na “24/7” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para updates, i-follow ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).