News Releases

English | Tagalog

Juan Gapang at Kenyo Street Fam, itinanghal na "Your Moment" grand champions

February 04, 2020 AT 11:46 AM

Juan Gapang, Kenyo Street Fam hailed as grand champions of "Your Moment"

Juan Gapang and Kenyo Street Fam emerged victorious in their respective singing and dancing categories .

Nanaig sa kantahan ang rock reggae band na Juan Gapang, habang tagumpay rin ang Bulacan pride na Kenyo Street Fam sa dancing stage at parehong itinanghal bilang kauna-unahang “Your Moment” grand champions noong Linggo ng gabi (Perbrero 2).
 
Wagi bilang grand singing champion ang Juan Gapang para sa nakakaantig na performance nila ng “Tatsulok” na nakakuha ng total average score na 97.22%, na mas mataas sa kalaban nitong Verse Band na may 87.22%. Ang music producer na si Marcus Davis ang gumabay bilang mentor sa Juan Gapang ng Bacolod.
 
Samantala, nagbigay-pugay naman ang Kenyo Street Fam sa kanilang pinagmulan sa isang performance na nakasentro sa isang sementeryo kung saan sila laging nagpapraktis noon. Sa ilalim ng paggabay ng The Philippine All-Stars artistic director na si Lema Diaz, nagkamit sila ng 97.22% at tinalo ang 96.11% ng Fabulous Sisters.
 
Bilang mga grand champion, parehong nag-uwi ang Juan Gapang at Kenyo Street Fam ng tig-P2 milyon at exclusive management contract mula sa ABS-CBN.
 
Tinutukan ng mga manonood sa buong bansa ang pagkakapanalo ng dalawang grupo dahil nagtagumpay din sa ratings ang finals o “Grand Moment” ng kumpetisyon noong Linggo. Nagtala ito ng national  TV rating na 25.5% laban sa 21.6% ng “Daig Kayo ng Lola Ko,” ayon sa datos mula Kantar Media.
 
Tampok din sa finale ang mga performance ng host na si Vhong Navarro at mga hurado na sina Billy Crawford at Nadine Lustre. Dumalo rin sa finale ang judge na si Boy Abunda at host na si Luis Manzano.
 
Tampok ang iba’t ibang Pinoy at foreign singing at dancing acts, ang “Your Moment” ay isang orihinal na talent-reality format na nilikha ng ABS-CBN at Fritz Productions ng Netherlands.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Twitter, Instagram, at Facebook at bisitahin ang abscbnpr.com. Para naman mapanood ang episodes ng programa, mag-download ng iWant app (iOs at Andoid) o mag-register sa iwant.ph.