ABS-CBN Sports brings the first ever "NBA 2K Players Tournament" on S+A and iWant, starting this April 16.
Mga bituin ng NBA, nagtagisan sa mundo ng gaming
Muling makakapanood ng aksyon sa NBA ang Pinoy basketball fans sa paghahatid ng ABS-CBN Sports ng kauna-unahang NBA 2K Players Tournament na ipalalabas sa S+A at iWant simula Abril 16.
Tampok sa kompetisyong inorganisa ng National Basketball Players Association (NBPA), 2K, at NBA ang naglalakihang pangalan sa NBA tulad nina Kevin Durant ng Brooklyn Nets, Trae Young ng Atlanta Hawks, Donovan Mitchell ng Utah Jazz, dating Los Angeles Laker na si DeMarcus Cousins, at Devin Booker ng Phoenix Suns. Layunin nilang makatulong sa kapwa at pagsamahin ang komunidad ng NBA maski sa online lamang. Ito ay sa kabila ng pagharap ng mundo sa pandemiyang sanhi ng pagkasuspende ng mga laro, kabilang sa NBA.
Naging matagumpay si Booker sa naturang kompetisyon, kung saan ibinigay niya sa kanyang piniling charity ang napanalunang $100,000 na premyo.
Tampok sa first round ngayong Huwebes (Abril 16) ng 1:30 pm ang tapatan nina Kevin Durant at Derrick Jones Jr. kasunod sina Patrick Beverley at Hassan Whiteside. Susundan naman ito sa 4 pm ng harapan nina Rui Hachimura kontra kay Donovan Mitchell at DeMarcus Cousins kontra kay Andre Drummond.
Ang tapatan naman nina Hachimura at Booker, at Jones Jr. kontra kay Harrell sa quarterfinals ang mapapanood sa Biyernes (Abril 17) ng 1:30 pm, na susundan ng harapan nina Ayton at Young, at Beverley laban kay Drummond sa 4 pm.
Panoorin naman ang mga laro sa semifinals nina Booker at Harrell sa Sabado (Abril 18) ng 1:30 pm, na susundan ng isa pang bakbakan nina Beverley at Ayton para sa natitirang pwesto sa Finals sa ganap na 4 pm. Sa Linggo (Abril 19) naman ipalalabas ang tapatan sa Finals ng magkakampi sa Phoenix na sina Booker at Ayton sa 4 pm. Ang lahat ng mga naturang labanan ay mapapanood muli simula Abril 23 pagkatapos ng “The Score” tuwing 11 am.
Bukod sa NBA 2K Players Tournament, mapapanood din ng mga basketball fan ang mga klasikong laro sa UAAP at NCAA sa “S+A Encore.”
Para sa karagdagang balita sa mundo ng sports, sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook, Twitter at Instagram o bumisita sa
sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa
www.abs-cbn.com/newsroom.