Ibinida ni Sam Mangubat ang kagandahan ng paggaling ng sawing-puso sa bago niyang kanta na "Hindi Na Nga," mula sa Star Music.
"Yung 'Hindi Na Nga' ay isang kanta tungkol sa taong naka-move on na. Na wala na talagang puwang sa puso at isip niyang balikan or bigyan ng chance yung pag-ibig na minsang dumurog sa kaniya," ayon sa “Tawag Ng Tanghalan” season 1 grand finalist.
Isinulat naman ng songwriter-producer na si “KIKX” Salazar ang "Hindi Na Nga," na kasama sa “After Dark ‘The Final Hour’” EP niya para sa selebrasyon ng ika-10 anibersaryo niya sa music industry.
Sabi ni KIKX, kumuha siya ng inspirasyon sa tunog ng '80s music sa pagsusulat niya sa R&B ballad. "Madalas akong makinig ng mga '80s song nitong mga nakaraang buwan, tapos nakikinig din ako ng mga bagong kanta. Napansin ko, yung music pala ngayon, merong same retro vibes. So itong nostalgic hiphop, R&B vibe ng kanta pumasok sa isip ko," sabi niya.
Pinuri rin ni KIKX ang interprestasyon ni Sam sa kanta bilang "sincere" at "taos-puso," at umaasa na makakatulong ang kanta sa mga brokenhearted na maka-move on din sa hinaharap.
Samantala, malayo na ang narating ni Sam simula nang sumali siya sa "Tawag ng Tanghalan," lalo na nang manalo siya bilang Male Artist of the Year sa MOR Pinoy Awards noong 2019, at manalo ang kanta niyang “Ikaw at Ikaw Pa Rin” bilang Song of the Year sa Wish 107.5 Music Awards 2020.
Gumawa na rin ng dalawang concert si Sam—ang “I Am Sam” noong Setyembre 2018 at ang “Song Feels” concert kasama sina Jeremy G, JMKO, at Miguel Odron nito lang Enero, na parehong ginanap sa Music Museum.
Gamutin ang sawing puso habang pinakikinggan ang bagong single ni Sam na "Hindi Na Nga" sa iba't ibang digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa
www.facebook.com/starmusicph at i-follow ito sa Twitter at Instagram @StarMusicPH.