News Releases

Ang katotohanan sa mga akusasyon ng FICTAP laban sa ABS-CBN

May 07, 2020 AT 08:35 PM

Ang katotohanan sa mga akusasyon ng FICTAP laban sa ABS-CBN

Hindi totoo ang mga alegasyon ng FICTAP ukol sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Nais linawin ng ABS-CBN ang mga alegasyon ng Federation of the International Cable TV and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP) sa isang panayam kaugnay sa diumano’y mga paglabag sa batas ng ABS-CBN TVplus.  Sasagutin namin ito nang punto por punto.

1)   Nag-apply ang ABS-CBN para ma-renew ang prangkisa nito noong 2014 sa ilalim ng pamahalaang Aquino pero na-deny ito dahil sa pagtutol ng FICTAP.

Ang katotohanan: Hindi na-deny ang prangkisa ng ABS-CBN noong 2014 dahil sa pagtutol ng FICTAP. Nabinbin ito sa Kongreso hanggang binawi na lang ito ng ABS-CBN noong 2016 dahil sa kakulangan sa oras.

2)   Kasama sa franchise renewal application ng ABS-CBN ang iba pang 6 channels. Hindi raw ito tama dahil dapat daw kumuha ng bagong franchise kada channel.

Ang katotohanan: Walang nakasaad sa kahit anong bersyon ng franchise renewal ng ABS-CBN na limitado lang ito sa isang channel o isang frequency.  

Dahil sa teknolohiya, maaaring mag-broadcast ng maraming channels sa isang frequency. Maaaring tingin ng iba na isang banta sa kanilang negosyo ang pag-ere namin ng maraming channels. 

Sa katunayan, mas panalo ang mga manonood kung mas marami silang mapagpipiliang channels.

Ang pagkakaroon ng maraming channels na kakompetensya ang isa’t isa ay mas nakabubuti sa publiko dahil inuudyok nito ang media companies na pagbutihin ang mga programang ipinapalabas nila at binibigyan ang mga manonood ng mas maraming mapagpipilian.

3)   Nag-ere ng 6 na channels ang ABS-CBN pero hindi kumuha ng 6 na prangkisa.

Ang katotohanan:  Hindi labag sa batas ang pag-ere ng ABS-CBN ng anim na channels. Isang prangkisa lang ang kailangan para sa paggamit ng isang frequency.  Kapag may prangkisa, maaaring gamitin ang isang frequency na kayang magkarga ng higit sa isang channel.  Mas maraming channels, mas panalo ang mga manonood.

4)   Naningil ang ABS-CBN ng P2,500 para sa Pacquiao-Mayweather pay-per-view fight na pinagbawal ng National Telecommunications Commission pero tinuloy pa rin ng ABS-CBN ang pagbenta nito.

Ang katotohanan: Naglabas lang ng kautusan ang NTC pagkatapos mabenta ng ABS-CBN ang laban.  Mas maraming nakapanood ng laban sa TV dahil may mga lugar na hindi naabot ng FICTAP.  Ang panalo dito ay ang mga manonood.

5)   Naningil ang ABS-CBN ng P30 para sa KBO kahit na dapat daw libre ito ayon sa mga kondisyon ng franchise.

Ang katotohanan: Si Justice Secretary Menardo Guevarra na ang nagsabi sa Senate hearing na HINDI labag sa prangkisa ng ABS-CBN ang KBO na isang pay-per-view service. Pinapayagan ang ABS-CBN na gamitin ang broadcast facilities nito para sa “commercial purposes.”

6)   Hindi raw inasikaso ng ABS-CBN ang franchise renewal nito mula 2015 hanggang 2019.

Ang katotohanan: Ang Kongreso, hindi ang ABS-CBN, ang nagdedesisyon kung anong mga prangkisa ang pag-aaralan nila.

Wala nilabag na batas ang ABS-CBN.  Sinabi na ito ng National Telecommunications Commission, Bureau of Internal Revenue, at Securities and Exchange Commission noong humarap ang ABS-CBN sa Senado noong Pebrero. 

Sa kabila ng patuloy na mga paninira at panggigipit sa aming pamilya, mananatili kaming matatag at nagkakaisa sa aming paglilingkod sa mga Pilipino.