Mawawasak ang pag-ibig, respeto, at tiwala ng nagmamahalang mag- asawa ng duda at kasinungalingan sa mapangahas na kwento ng “The World of A Married Couple,” ang pinag-usapang Korean drama ng 2020 na mapapanood sa Kapamilya Channel gabi-gabi simula Lunes (Hunyo 15).
Tunghayan ang kwento ng mag-asawang sina Sandra at Tony, dalawang taong pinagbuklod ng kanilang pagmamahalan at kanilang anak na si Joshua. Maituturing na perpekto ang kanilang pamilya — maayos ang takbo ng kanilang karera, may maganda at masayang tahanan, at kinaiinggitan sila ng marami.
Sa puntong akala ni Sandra na napakasaya ng kanilang buhay, madidiskubre niya ang nakawawasak na katotohan — may ibang babae ang kanyang asawa, at ang mas masakit pa ay alam ito ng mga taong pinakamalapit sa kanya.
Pero mas malaking dagok pa ang haharapin nila dahil magbubunga ang pagtataksil ni Tony at mabubuntis niya ang kabit niyang si Denise. Sa kabila nito, lalaban si Sandra, lalo na para sa kanyang anak, upang maprotektahan ang tahanang kanyang binuo.
Patok na patok at pinag-usapan ang “The World of A Married Couple” sa South Korea na nagtala ng highest viewership rating sa cable sa naturang bansa. Nanalo rin sa katatapos lang na Beaksang Arts Awards ang bida nitong si Kim Hee Ae ng Best Actress award para sa kanyang pagganap bilang Sandra.
Bukod sa “The World of A Married Couple,” tampok din sa Kapamilya Channel ang bagong romantic-comedy Korean series na “Familiar Wife” simula ngayong Lunes, 9:30 AM.
Kilalanin sina Paolo at Aileen, ang mag-asawang sawa na sa kasalukuyan nilang buhay at ‘di inaasahang babalik sa nakaraan sa isang iglap.
Isang araw pagmulat ni Paolo, makukuha niya ang inaasam niyang perpektong buhay nang ‘di kasama ang asawa. Ngunit sa pagkukrus ng landas nila ni Aileen, na mayroon nang sariling buhay, mapagtatanto niyang kahit mahirap, masaya siya sa buhay niya noon at gagawin niya ang lahat para maibalik ito, lalo na si Aileen.
Sa Lunes din ay muling matutunghayan ang pagbabalik ng patok na Asianovela drama na “Meteor Garden” tuwing 5:45 PM sa Kapamilya Channel. Sundan muli ang kwento nina Shancai at Daoming Si at kung paano nila ipinaglaban ang kanilang pagmamahalan, kasama ang mga miyembro ng F4 na sina Huaze Lei, Fang Meizuo, at Ximen Yan tuwing hapon.
Para sa updates, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@absbncpr), at Instagram (@abscbnpr).