News Releases

English | Tagalog

Gary V, handog ang inspirasyon sa digital concert na "Faith, Hope, Love"

June 16, 2020 AT 12:45 PM

Magtatanghal si Gary Valenciano para sa milyun-milyong Pilipino na naapektuhan ng pandemya sa kanyang benefit concert na "Faith, Hope, Love," na ipapalabas nang live sa Facebook page ng ABS-CBN at YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment, 9pm sa Sabado (Hunyo 20).
 
Layunin ng online musical concert, na paunang handog ni Mr. Pure Energy Gary V para sa Father's Day, na makalikom ng donasyon para sa Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN.
 
Kakantahin ng batikang mang-aawit ang mga awiting bubuhay sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa mga manonood na nasa kani-kanilang tahanan.
 
Bukod sa nasabing show, nagsagawa pa ng ibang musical projects ang OPM icon para suportahan ang mga Kapamilya sa kalagitnaan ng krisis sa COVID-19. Nakibahagi siya sa "Pantawid ng Pag-ibig” fundraising concert noong March 22, at isa rin sa mga ABS-CBN artists na nag-record ng "Ililigtas Ka Niya," kung saan ang royalties ng kanta ay ibibigay bilang donasyon sa nasabing fundraising campaign.
 
Nagsimula ang "Pantawid ng Pag-ibig” program noong Marso bilang tugon sa pagpapatupad ng gobyerno ng enhanced community quarantine. Ang mga nalikom na pondo ay ipinambili ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan na siya namang ipinamahagi sa pakikipagtulungan sa local government units para sa kanilang nasasakupan. Sa kasalukuyan, mahigit 750,000 na pamilya na ang natulungan ng "Pantawid ng Pag-ibig” sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
 
Nasa ikalawang yugto na ang programa sa ngayon na tinatawag na "Isang Daan. Isang Pamilya,” na naglalayong himukin ang mga individual donors na mag-donate ng kahit P100 o USD 2 na kayang mapakain ang isang pamilya. Hangad nitong maipakita na ang ordinaryong Pilipino ay kayang tumulong sa kapwa Pilipino.
 
Ang "Faith, Hope, Love" concert ni Gary V ay produksyon ng ABS-CBN Music, Genesis Entertainment and Management Inc, TFC, at ABS-CBN Foundation. Bukod sa ABS-CBN Entertainment, pwede ring mapanood ang palabas sa social media platforms at channels ng Star Music, MYX, MOR, at TFC. Para sa iba pang detalye, i-like ang @stareventsph sa Facebook at sundan ito sa Twitter at Instagram.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE