News Releases

English | Tagalog

"G Diaries," ibinahagi ang inspirasyon sa likod ng "Sine'skwela" at iba pang ETV shows

June 05, 2020 AT 02:07 PM

"G Diaries" shares the inspiration behind well-loved ETV shows in online special

“G Diaries: ETV Shows” online special takes viewers through the process of how Gina Lopez brought ETV to life with well-loved educational programs such as “Sine’skwela,” “Hiraya Manawari,” and “Bayani."

Patuloy na ginugunita ng “G Diaries” ang mga programang sinimulan ni Gina Lopez sa online special na pinamagatang “G Diaries: ETV Shows” tungkol sa educational shows tulad ng “Sine’skwela,” “Hiraya Manawari,” “Bayani,” at “Math Tinik” na minahal ng mga Pilipino. 

Ibinahagi sa Facebook ng “G Diaries” noong Linggo (Mayo 31) ang palabas na may apat na bahagi kung saan ipinakita ang naging inspirasyon ni Gina sa pagsisimula ng Educational Television (ETV). Nagbalik-tanaw din dito ang ilang mga writer, producer, at talent tulad nina Charles Bautista na dating “Sine’skwela” scriptwriter at Kapamilya host Winnie Cordero na naging parte rin ng “Sine’skwela.”

Matutuklasan sa unang parte ng programa kung paano naisipan ni Gina na simulan ang ETV at kung ano ang mga ginawa niya upang magtagumpay ito. Sa ikalawang parte naman ikukuwento kung paano naging daan ang iba’t ibang organisasyon tulad ng mga grupo ng overseas Filipinos upang makarating ang ETV sa mga paaralan. 

Sa ikatlong parte pinag-usapan ang naging malaking epekto ng mga programang ETV na kinalakihan ng mga manonood. Kasama na rin dito ang naging impluwensya sa mga bumuo ng ETV tulad ng isang dating resource mobilization officer na si Rino Ramos. Ayon kay Rino, “Dahil sa ABS-CBN Foundation, dito ko nakita ‘yung fulfillment. Hindi kayang bayaran ‘yung maging part ka para maparating mo ‘yung serbisyo.”

Sa huling parte ng programa, nakisabay sa kantahan sa “Sine’skwela” theme song ang mga “Batang ETV” kasama ang National Artist para sa musika na si Ryan Cayabyab.

Dahil sa naging tagumpay ng ETV, naging daan ito para sa ABS-CBN Foundation na makapamahagi ng tamang edukasyon sa mga mag-aaral sa pamamaraan na malinaw at kawili-wili para sa mga bata. Ngayong layunin ng gobyerno na ipatupad ang distance-learning dahil sa banta ng COVID-19, mas lalong kakailanganin ang ETV para patuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante gamit ang telebisyon, radyo, at online na pagtuturo.

Laking tuwa naman ng mga netizen dahil sa pagpapalabas ng “G Diaries: ETV Shows.” Ayon sa Facebook comment ni James Cruz Asuncion, “Ang saya manood ng educational programs na mas lalong kailangan natin sa mga panahon ngayon.” Sabi naman ni Christopher Cabrales na angkop pa rin ang ETV sa panahon ngayon. “Hanggang ngayon, pinapanood ko pa rin sa mga estudyante ko ang Sine’skwela at Math Tinik.”

Nasa ika-apat na season na ang “G Diaries” na inilunsad ni Gina noong 2017. Layunin nito ang magpalaganap ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga kuwentong puno ng ligaya at pag-asa sa iba’t ibang komunidad sa bansa. Noong pumanaw si Gina, ipinagpatuloy ng kapatid niyang si Ernie, na presidente ng ABS-CBN subsidiary na Creative Programs Inc, ang “G Diaries.”

Maaari pang panoorin ang “G Diaries: ETV shows” sa G Diaries Facebook page, at sa iWant at YouTube channel ng ABS-CBN Foundation, kung saan available din ang iba pang episodes ng programa. Abangan din ang bagong episodes ng “G Diaries Share the Love” sa ANC tuwing Sabado ng 6:30 am at Metro Channel tuwing Linggo ng 4:30 pm.

Para sa iba pang updates, i-follow ang @GDiaries sa Facebook, @GDiariesPH sa Instagram at Twitter, at ang ABS-CBN Foundation sa YouTube.  Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abscbnpr.com.