ABS-CBN stood by its claim that it is paying the right taxes to the government as it disputed allegations that it has used its subsidiary Big Dipper Digital Content and Design Inc. and the ABS-CBN Foundation Inc. as tax shields.
Nanindigan ang ABS-CBN na nagbabayad ito ng tamang buwis sa gobyerno at pinabulaanan ang mga alegasyon na ginagamit nito ang subsidiary nitong Big Dipper Digital Content and Design Inc. (Big Dipper) at ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) para umiwas sa buwis.
“Big Dipper is not a tax avoidance scheme. We applied for and qualified for the PEZA incentives that were set in 2009. There were specific requirements there in terms of investment and export and over the years we’ve met those requirements,” ani ABS-CBN Group chief financial officer (CFO) Ricardo Tan sa ikasampung pagdinig para sa prangkisa ng ABS-CBN sa Kamara kahapon (Hulyo 1).
Nakakakuha ang Big Dipper, na nag-aayos at naghahanda ng format ng mga palabas ng ABS-CBN para maipalabas ito sa ibang bansa, ng tax incentives bilang isang rehistradong IT enterprise sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Kabilang sa incentives ang anim na taong tax holiday na natapos na noong 2015, at tax at duty free importation. Kasalukuyang nagbabayad ng limang porsiyentong (5%) tax mula sa kanilang gross income ang Big Dipper.
Ibinahagi rin ni Tan sa hearing noong Martes (Hunyo 30) na lalagpas sa P1 bilyon sa katapusan ng taon ang investment ng Big Dipper sa pagbili ng equipment. Nakatulong daw ang kumpanya na makapaglikha ng trabaho, maibida ang mga palabas at pelikulang Pinoy sa mundo, at nagpasok ng $237 milyon na dayuhang salapi sa bansa.
Lininaw rin ni ABS-CBN CFO Aldrin Cerrado na hindi nakikigamit ng equipment ang ABS-CBN sa Big Dipper. Kung wala rin daw Big Dipper, mapipilitan ang ABS-CBN kumuha ng serbisyo sa ibang bansa dahil tanging ito lang ang nakakagawa ng mga serbisyo nito sa Pilipinas.
“Kung ganon po ang mangyayari, at wala kaming facilities, or ang Big Dipper, the facility to do the repurposing, siguro po i-outsource po ito sa ibang bansa. Mas mamahal pa po, at ibang bansa ang kikita nito,” paliwanag niya.
Mismo ring si PEZA director general Charito Plaza ang nagsabi kahapon sa mga mambabatas na maituturing na “pioneer” o nangunguna sa industriya ang Big Dipper dahil sa paggamit nito ng makabagong teknolohiya.
Iginiit din ni Plaza na dumadaan sa matinding pagsusuri ng PEZA board, na kinabibilangan ng DOST, NEDA, at Department of Finance, ang mga aplikasyon para makakuha sa kanila ng incentives.
“There is no such thing as making PEZA as a tax shield because these incentives are being evaluated by these agencies of government,” aniya.
Wala ring nakikita ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na paglabag ng operasyon ng Big Dipper sa tax laws.
“I think in terms of tax payments they are paying correctly,” sabi ni BIR regional director (Region 7A) Alvin Galanza.
Samantala, nilinaw din ng ABS-CBN ang mga akusasyon na ginagamit umano ng network ang AFI, na naka-rehistro na foundation sa BIR, bilang tax shield.
Ayon kay Cerrado, nasa batas ang anumang tax relief na natatanggap ng network mula sa mga donasyon na ibinibigay nito sa AFI. Aniya, “donations, under the revenue code, is a deductible expense.”
Sabi rin ni AFI managing director Susan Afan na nag-donate ang ABS-CBN ng P129 milyon mula 2015 hanggang 2019 sa AFI para sa iba’t iba nitong programa, kabilang na ang Sagip Kapamilya, Bantay Bata 163, at Bantay Kalisakan.
Dagdag niya, nagbigay din ang ABS-CBN ng P52 milyon sa “Pantawid ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN Foundation. Nakalikom na ito ng P425 milyon na donasyon at nakatulong na sa mahigit 820,000 na pamilyang Pilipino.