The country’s premier collegiate league will officially wrap up the season on a high note with a virtual closing ceremony that will celebrate unity and sportsmanship in the entire UAAP community. Watch the special online event on July 25 (Saturday) at 4 pm on the ABS-CBN Sports website, Facebook, and YouTube accounts, with delayed telecast on LIGA cable sports channel at 7 pm.
Isang espesyal na seremonya na magbibigay pugay sa lahat ng manlalaro sa UAAP ang gaganapin sa Hulyo 25 (Sabado), para pormal na isara ang UAAP Season 82 matapos itong makansela dahil sa pandemya ng COVID-19.
Mapapanood ito online kasama ang mga host na sina Mico Halili at Denice Dinsay ng ABS-CBN Sports simula 4 pm sa ABS-CBN Sports website, Facebook, at YouTube accounts, at ipapalabas din sa LIGA cable sports channel ng 7 pm.
Sa pagkakaisa ng komunidad ng UAAP, muling babalikan ang aksyon, samahan at naging tagumpay ng mga eskwelahan ng primerong liga sa kolehiyo sa bansa. Kikilalanin din ang mga atleta ng volleyball, football, baseball, softball, track and field, lawn tennis, at 3x3 basketball na hindi nakapaglaro dahil sa pagkansela ng mga laro noong Abril 7 bunsod ng pandemya.
Tatanghalin din ang University of Santo Tomas bilang general champions para sa high school at seniors divisions. Bibigyan din ng parangal ang mga MVP ng high school at kolehiyo para sa Season 82, kabilang na rin ang ilan sa mga mahuhusay na atletang skolar ng iba’t ibang paaralan.
Makakasama sa selebrasyon ang ABS-CBN artists na sina Ylona Garcia at Inigo Pascual at ang mga bandang Sponge Cola at Itchyworms, na kumanta ng “Ang Ating Tagumpay” anthem ng UAAP Season 82 na may temang “All For More.”
Kikilalanin din at pasasalamatan ang mga atleta at paaralan na nagbigay ng tulong sa mga nangangailangan ngayong panahon ng krisis at muling mapapanood ang highlights ng nagdaang taon. Magaganap din ang pormal na ibibigay ng Ateneo de Manila University ang responsibilidad bilang host sa karibal na paaralan na De La Salle University para sa Season 83.
Ang ABS-CBN Sports ang nagsilbing opisyal na brodkaster ng UAAP simula pa noong 2000. Sa kanilang matagal na samahan, nabigyan ng pagkakataon ang mga atletang Pinoy na ipamalas ang kanilang husay at talento at mas lalong lumaganap sa bansa ang pagsasamahan sa industriya ng sports.
Makiisa sa iba pang Kapamilya sports fans at panoorin ang pagtatapos ng UAAP Season 82 sa Hulyo 25 (Sabado) ng 4 pm sa ABS-CBN Sports website (sports.abs-cbn.com) at ABS-CBN Sports Facebook at YouTube accounts. Mapapanood din ang delayed telecast sa cable sports channel LIGA ng 7 pm, na may replay ng Hulyo 26 ng 4:30 pm.
Para sa iba pang balitang sports, sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook, Twitter, at Instagram, magsubscribe sa ABS-CBN Sports YouTube channel, o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para naman sa ibang updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bumisita sa www.abscbnpr.com.