News Releases

English | Tagalog

COVID-19 frontliners, patuloy na sinusuportahan ng ABS-CBN Foundation

August 14, 2020 AT 12:29 PM

ABS-CBN Foundation continues support for COVID-19 frontliners

Through the “Pantawid ng Pag-ibig” campaign, 125 hospitals and 25 institutions were given PPEs (personal protective equipment) by ABS-CBN Foundation to protect the lives of the country’s brave healthcare workers.

Higit 100 na ospital sa bansa, natulungan na 

Kahit napapagod ang medical frontliners ng bansa sa paglilingkod para mapuksa ang COVID-19, hindi sila tumitigil na magsilbi sa bayan. Kaya naman hindi rin natitinag ang ABS-CBN Foundation na magpakita ng suporta at pagmamahal sa kanila.  

Sa pamamagitan ng kampanyang “Pantawid ng Pag-ibig,” nasa 125 na ospital na at 25 institusyon ang nahatiran ng ABS-CBN Foundation ng PPEs (personal protective equipment) para protektahan ang buhay ng magigiting na healthcare workers. 

Ang 77 dito ay mga ospital sa National Capital Region (NCR) at 48 naman sa probinsya, ayon sa pinakabagong ulat nila noong Agosto 5. Lubos na nagpapasalamat ang ABS-CBN Foundation sa patuloy na pagbuhos ng donasyon mula sa donors na kanilang ginagamit sa paghatid ng N95 masks, surgical masks, goggles, hygiene kits, gloves, face shields, alcohol, body suits, at marami pang iba sa mga frontliner. 

Katuwang nila sa adhikain na ito ang kanilang mga partner tulad ng WeCare, isang libreng plataporma kung saan inuugnay ang mga indibidwal at grupong nais tumulong sa mga komunidad na may pangangailangan sa panahon ng krisis, at iba pang organisasyon.  

Para mapanatili ng frontliners na malakas ang pangangatawan sa gitna ng laban sa COVID-19, namahagi rin ang ABS-CBN Foundation ng mga bitamina, gamot, electrolyte drinks, at pagkain.  

Kamakailan lang ay dumaing ang ilang grupo ng mga healthcare worker dahil muling napupuno ang mga ospital sa patuloy na pagdami ng nagkakasakit ng COVID-19. Sa ngayon, muling isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang ilang parte ng bansa, kabilang ang Metro Manila, upang maiwasan ang karagdagang transmisyon.

Ayon sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) noong Agosto 11, 5,644 na healthcare workers na ang nag-positibo sa COVID-19, habang 39 sa kanila ang namatay dahil sa sakit.  

Samantala, marami pa ring ospital ang nananawagan ng tulong sa pamamagitan ng WeCare.ph. Hiling nila ang libo-libong surgical mask at iba pang PPE para sa healthcare workers na araw-araw lumalaban upang mapanalunan ng bansa ang giyera sa COVID-19. Pumunta lamang sa www.wecare.ph para tumulong at mag-donate. 

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang abs-cbnfoundation.com, o i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook. Para sa ibang balita, i-follow ang ABS-CBNPR (@abscbnpr) sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.