News Releases

English | Tagalog

Lucas, Matty, at Enzo ng iDolls, may kani-kaniyang bagong awitin

September 16, 2020 AT 11:13 AM

Handog ang “Tinatapos Ko Na,” “Sayaw ng mga Tala,” at “Extensyon”
 
May regalong bagong musika mula sa Star POP ang mga “Idol Philippines” alum na sina Lucas Garcia, Matty Juniosa, at Enzo Almario o kilala bilang grupong iDolls.
 
Bibigyan ng emosyonal na kulay ni Lucas ang 5th Best Song sa 2018 Himig Handog na “Tinatapos Ko Na,” na orihinal na inawit ni Jona. Ang bagong bersyon ng awitin na tungkol sa malungkot pero puno ng pag-asang kwento ng isang taong dumadaan sa naghihingalong relasyon ay in-arrange ni Iean Inigo.
 

Ipaparamdam naman ni Matty ang saya ng batang pag-ibig sa orihinal na awiting “Sayaw ng mga Tala” na isinulat ni Danielle Balagtas at ipinrodyus ni Star POP head Rox Santos. Ikinukwento ng awitin ang istorya ng isang tao na matagal nang umiibig sa kanyang minamahal, hanggang sa mauwi na ito sa walang hanggan.
 

Bagong bersyon naman ng 2017 Himig Handog 3rd Best Song na “Extensyon” ni Inigo Pascual at composer nitong si Aikee ang hatid ni Enzo. Ipinapakita sa kanta ang mga tensyong namamagitan sa mga dating magkarelasyon lalo na kapag nagkita sila ulit. Si Theo Martel ang nag-arrange ng bersyon ni Enzo.
 
Sumali sina Lucas, Matty, at Enzo sa unang season ng “Idol Philippines” noong 2019. Nanalo bilang runner-up si Lucas, nagtapos sa top 12 si Matty, habang umabot naman sa top 20 si Enzo. Simula nang magtapos ang kompetisyon, nagco-cover na sila ng mga kanta gaya ng “Dalaga,” “Hanggang Dito na Lang,” at “Mabagal” bilang grupong iDolls.
 
Pakinggan ang “Tinatapos Ko Na” ni Lucas at “Sayaw ng mga Tala” ni Matty sa iba’t ibang digital streaming services, at abangan ang “Extensyon” ni Enzo na mapapakinggan na simula ngayong Biyernes (Setyembre 18). Para sa iba pang detalye, sundan ang StarPOP PH sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph). Para sa updates, sundan ang ABS-CBN PR sa Facebook (www.facebook.com/abscbnpr), Twitter at Instagram (abscbnpr) o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.