News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, tuloy-tuloy sa pagpapalabas ng bagong shows, digital concerts, at teleserye episodes

September 17, 2020 AT 04:09 PM

Patuloy na naghahatid ng saya, libangan, at inspirasyon sa mga Pilipino ang ABS-CBN sa walang patid nitong paglikha at pagpapalabas ng bagong episodes ng mga teleserye, mga paparating na bagong teleserye, mga bagong awitin, at digital offerings bilang paglilingkod sa publiko kahit na na-deny ang prangkisa nito.

 

Sa video blog niya sa YouTube, inanunsyo ni ABS-CBN head of TV entertainment na si Laurenti Dyogi na maglalabas ang ABS-CBN ng bagong teleserye nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, “Cara Y Cruz” ni Julia Barretto, at “Walang Hanggang Paalam” na pagbibidahan nina Angelica Panganiban, Zanjoe Marudo, Paulo Avelino, Jake Cuenca, and Arci Munoz.

 

Magmula namang mag-umpisa ang quarantine, ABS-CBN ang unang media company na nagbalik- taping at ang natatanging nagpapalabas ng bagong episodes ng mga teleserye nitong “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Love Thy Woman,” at “A Soldier’s Heart.” Naglunsad din ito ng mga bagong programang “Ang Sa Iyo Ay Akin,” “Paano Kita Mapasasalamatan” at “Iba ‘Yan.”

 

Bumalik din sa studio para live na magpalabas ng episodes ang “It’s Showtime” at “ASAP Natin ‘To” at magbigay ng kasiyahan at world-class performances sa mga manonood.

 

“Kahit na may pandemya at wala kaming prangkisa sa free TV, hindi kami tumigil sa paggawa ng mga programa. Kailangan naming matugunan ang aming tungkulin na maglingkod sa ating mga kababayan, dahil naghahanap sila ngayon ng aliw para maibsan ang kanilang hirap sa panahong ito. Gusto rin po naming makatulong sa ekonomiya, kaya kailangan nating magprodus ng mga programa para mabigyan po natin ng hanapbuhay ang ating mga manggagawa at artista,” pahayag ni Dyogi sa vlog niya.

 

“Ito po ang magandang pakiramdam kasi sa panahong may krisis ay nagtutulong-tulong ang lahat. Buhay na buhay po ang ABS-CBN. Patuloy po kaming gumagawa ng programa at nandiyan ang aming mga artista, andiyan ang Star Magic, ang Rise artists ng Star Cinema, ang Star Hunt management, at ang ibang artists na managed by PAMI or Professional Artists Managers, Inc,” aniya.

 

Habang hindi pa nagbubukas ang mga sinehan, tumuloy naman sa digital ang ABS-CBN Films at naglabas ng “Hello Stranger” na ngayon ay tinagurian nang most watched Filipino digital series pati na ang Twiter-trending visual podcast na “Listen To Love: The Four Bad Boys and Me” na pinapangunahan ni Maymay Entrata.

 

Ipinahayag din ni Dyogi na maghahandog ang ABS-CBN Films ngayong taon ng movie version ng “Hello Stranger,” talk show na “Ask Angelica” ni Angelica Panganiban, ang ikatlong yugto ng “Praybeyt Benjamin” ni Vice Ganda na sasabak sa MMFF, “Four Sisters Before the Wedding,” “For the Love of Money” nina Angelica at Coco Martin, at isa pang horror movie ni Kim Chiu.

 

Dagdag pa niya, magkakaroon ng bagong series sina Donny Pangilinan at Belle Mariano sa iWant TFC streaming service, na naglabas din ng orihinal na series at movies nitong mga nakaraang buwan gaya ng “Malaya,” “Beauty Queens,” “Love Lockdown,” “Tawa Tawa Together,” at “Ampalaya Chronicles.”

 

Habang hinihikayat pa ang lahat na huwag lumabas, mae-enjoy sa bahay ang paparating na digital concerts mula sa Star Events na "APOLLO: A Daniel Padilla Digital Experience” sa Oktubre 11 at ang "MYX Presents: Ebe Dancel Digital Concert" ngayong Setyembre 18.

 

Sa mobile app na Kumu, naglunsad din ang ABS-CBN ng bagong shows sa For Your Entertainment (FYE) Channel kung saan nanonood ang libo-libong followers ng “Bawal Ma-stress Drilon” ni Ces Drilon, “Ambagets” nina Sharlene San Pedro at Miles Ocampo, “POP Cinema” nina Bianca Gonzalez at MJ Felipe, at “Kwentong Auntie Julie” ni Macoy Averilla o Macoy Dubs.”

 

Tuloy-tuloy naman ang paghahanap ng ABS-CBN ng promising talents online sa “Bida Star,” ang talent competition ng Star Hunt. Hahanapin nito ang unang Ultimate Bida Star na magwawagi ng cash at pagkakataong bumida sa isang short feature kasama ang ang isang Kapamilya artist.

 

Bukod sa digital shows, may mga bagong awitin ding ini-release ang ABS-CBN Music, katulad ng “Beautiful” nina Ogie Alcasid at Moira Dela Torre, “Balang Araw” ni Iñigo Pascual, at “HEAL,” isang inspirational single tampok ang iba’t ibang Southeast Asian artists kasama sina Moira, Jayda, Jona, Kyla, KZ Tandingan, Lesha, at Xela. Mapapakinggan na rin ang bagong singles nina Darren Espanto at Jayda, Kyle Echarri, Elisse Joson, Zephanie, at Kritiko sa music streaming services.

 

Para sa updates tungkol sa digital shows at experiences na ito, subaybayan ang YouTube channel at Facebook, Twitter, at Instagram pages ng ABS-CBN Films, Star Cinema, Kumu, Black Sheep, Star Music, Star Events, Star Hunt, MYX, at ABS-CBN Entertainment.