News Releases

English | Tagalog

Debut album ng BINI, mapapakinggan na ngayong Oktubre 14

October 05, 2021 AT 01:44 PM

Pagkatapos pangalanang Spotlight Artist of the Month ng MTV Asia, inilabas na ng breakout P-pop girl group na BINI ang kumpletong tracklist ng debut album nilang “Born to Win” na mapapakinggan na sa streaming platforms ngayong Oktubre 14.

 

Magdadala ng liwanag at inspirasyon ang album nila na maglalaman ng original tracks na “Golden Arrow,” “B HU U” tampok ang rapper na si Kritiko, “Nanana,” “Kinikilig,” “8,” at “Here With You.” Nasa listahan din ang debut single nilang “Born to Win,” ang Bahasa, Japanese, Thai, at Spanish versions nito, pati na ang feel-good na awiting “Kapit Lang.”

 

Mabubusog din ang fans sa mismong album release day dahil ilalabas na rin sa Oktubre 14 ang music video ng “Golden Arrow,” ang susunod na single mula sa BINI.

 

Noong nakaraang linggo naman, nagpabilib ang BINI sa pageant fans nang i-perform nila ang “Born to Win” para sa opening number ng Miss Universe Philippines 2021 coronation night. Bago pa nito, ginamit na rin ang instrumental at EDM versions ng kanta para sa preliminary swimsuit at evening gown competitions ng mga kandidata.

 

Patuloy namang magiging abala ang BINI, pati na ang brother group nilang BGYO, bilang Spotlight Artists ng MTV Asia ngayong Oktubre at Nobyembre. Lalo pa silang makikilala ng fans sa buong Asya dahil mapapanood sila sa mga ekslusibong weekly features, interviews, at performances sa iba’t ibang platforms ng naturang music channel.

 

Back-to-back na mapapakinggan ang debut albums ng parehong grupo dahil bago ang Oktubre 14, ilalabas na rin ng BGYO ang album nilang "The Light" ngayong Huwebes (Oktubre 7).

 

Samantala, makakabili pa rin ng tickets para sa inaabangang “One Dream: The BINI & BGYO Concert” sa Nobyembre 6 at 7. Ang SVIP tickets ay nagkakahalaga ng P1,950 o US$39.99 para mapanood ang dalawang shows at makasali sa fan meet sa KTX.PH. Available din ang VIP tickets sa KTX.PH, iWantTFC, at TFC IPTV sa halagang P1,490 o US$29.99 para makapanood ng parehong shows.

 

Masusubaybayan din ng fans ang mga paghahandang ginagawa ng BINI at BGYO para sa nalalapit nilang concert sa iWantTFC documentary na “One Dream: The BINI & BGYO Journey.” Napapanood ito nang libre sa Pilipinas sa iWantTFC app at website.

 

I-pre-save na ang debut album ng BINI sa Spotify. Kumuha ng updates tungkol sa BINI at sundan ang BINI_ph sa Facebook, Twitter, at Instagram, at mag-subscribe na sa YouTube channel nilang BINI Official.

 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE