Filipinos can finally watch the historic airing of “Almost Paradise,” the first American TV series shot entirely in the country and produced by Filipinos. Produced by ABS-CBN and Electric Entertainment, the crime drama series is topbilled by Hollywood actor Christian Kane and will premiere this Sunday (March 21) on Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, and iWantTFC.
“Almost Paradise” special primer, mapapanood sa Miyerkules
Magaganap na ang makasaysayang pagpapalabas sa bansa ng “Almost Paradise,” ang unang American TV series na kinunan ng buo sa Pilipinas at gawa ng Pilipino.
Handog ng ABS-CBN at Electric Entertainment, mapapanood na ang crime drama series na pinagbibidahan ng Hollywood actor na si Christian Kane simula ngayong Linggo (Marso 21) sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at iWantTFC.
Bago ito, ipasisilip ang naging paghahanda sa programa sa “Almost Paradise” primer na ipalalabas sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel ngayong Miyerkules (Marso 17) ng 12 nn.
Ginagampanan dito ni Christian si Alex Walker, isang dating Drug Enforcement agent sa Amerika na napilitang mag-retiro sa trabaho at piniling manirahan sa isang isla sa Pilipinas. Sa kabila ng kanyang paglayo sa dating buhay, muli siyang mapapalapit sa kapahamakan dahil mapapadpad sa paraisong kanyang kinaroroonan ang mga mapanganib na kriminal sa mundo at ito ang uudyok sa kanyang tulungan ang mga kaibigang pulis na Pilipino.
Unang umere sa US cable company na WGN America ang “Almost Paradise,” na unang sabak ng ABS-CBN sa Hollywood TV production. Kinunan ang lahat ng eksena nito sa Cebu bago ang pandemya tampok ang isang all-star Filipino cast sa pangunguna ni Nonie Buencamino na gaganap bilang hepe nila na si Ike Ocampo, Art Acuña na gaganap bilang Detective Ernesto Alamares, at Samantha Richelle bilang Detective Kai Mendoza.
Ilan pa sa kasama sa programa sina Ces Quesada, Angeli Bayani, Raymond Bagatsing, Ryan Eigenmann, Zaijan Jaranilla, Elijah Canlas, AC Bonifacio, Sophia Reola, Nikki Valdez, Lotlot de Leon, Ketchup Eusebio, Isay Alvarez, Lou Veloso, Will Devaughn, Boom Labrusca, Noel Trinidad, Richard Yap, Ricci Chan at Zsa Zsa Padilla.
Tampok din sa “Almost Paradise” sina Sandino Martin, Guji Lorenzana, Jay Gonzaga, Beverly Salviejo, Miguel Faustmann, Raul Montesa, Teroy Guzman, Alex Medina, Patrick Sugui, Joe Vargas, Benj Manalo, Miko Raval, Marc Acueza, Eric Tai, Michael Roy Jornales, Zeppi Borromeo, Annicka Dolonius, Yan Yuzon, Lloyd Zaragoza, John James Uy, Karla Pambid, Apollo Abraham, at marami pang iba.
Sa likod man ng kamera, tampok din ang husay at talento ng Pilipino sa “Almost Paradise.” Nagsilbing line producer nito ang Head ng ABS-CBN International Production and Co-Production Division na si Direk Ruel Bayani, habang kabilang naman sa mga direktor ng palabas ang mga Pilipinong filmmaker na sina Francis Dela Torre, Hannah Espia, Dan Villegas, at Irene Villamor. Binubuo rin ng mga Pinoy ang production staff at crew ng “Almost Paradise” at maging mga lokal na taga-Cebu ay nagbahagi rin ng tulong sa shooting nito.
Sina Dean Devlin, ang CEO ng Electric Entertainment, at Gary Rosen ang creator ng “Almost Paradise.” Isang Filipino-American si Dean na gumawa ng pangalan sa Hollywood bilang producer ng malalaking box-office hit tulad ng “Independence Day, “Godzilla,” at “The Patriot.” Una nang sinabi ni Devlin sa contract signing sa ABS-CBN noong 2019 na napili nilang makipag-partner sa ABS-CBN dahil sa sa paglinang nito ng talento at kakayahan ng mga tao sa harap at likod ng kamera.
Huwag palampasin ang bagong maghahatid ng aksyon sa telebisyon tuwing Linggo, ang “Almost Paradise,” mapapanood ng 8:45 pm sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at iWantTFC. Para sa updates sa progama, sundan ang @ALMOSTPARADISEPH sa Facebook. Para sa ibang balita, i-follow @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bisitahin ang abs-cbn.com/newsroom.