Netizens, naaliw sa premiere ng “Everybody, Sing!”
Umulan ng swerte at salapi sa unang episode ng “Everybody, Sing!” ni Vice Ganda dahil nagtagumpay ang grupo ng community pantry volunteers na makuha ang jackpot prize na P500,000 noong Sabado (Hunyo 5).
Nahulaan ng tama ng 25 songbayanan ang 10 titulo ng mga kanta sa “Everybody Guessing” na jackpot round ng unang community singing game show ng bansa. Kaya naman, paghahatian nila ang P500,000 bilang unang jackpot prize winner.
Pinuri rin ng Phenomenal Box-Office Star ang community pantry volunteers mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila dahil sa kanilang paglilingkod sa sambayanan sa gitna ng pandemya.
“You all deserve to win. Mahigit pa sa P500,000 ‘yung binigay ninyong serbisyo, kalinga, at pagmamahal sa mga taong hindi niyo kakilala,” ani Vice Ganda.
Dagdag pa niya, “pinakita ninyo na kapag nagtutulungan, may mabuting patutunguhan lalo na sa gitna ng kahirapan at hindi pagkakaunawaan.”
Sa panayam sa kanya ng programa, ibinahagi ng 20-anyos na community pantry volunteer na si Pao na nahikayat siyang tumulong dahil napapasaya niya ang ibang tao at natutuhan ang pagiging pasensyoso.
“Kahit nag-aaral kami, basta may free time, makakatulong kami sa ibang tao. Hindi lang sila ‘yung napapasaya. Pati na rin kami.”
Bukod sa ipinakitang bayanihan, naaliw din ang netizens sa panonood ng “Everybody, Sing!” na naging top trending topic sa Twitter Philippines.
Ani @NhelVictorino, “Parang gusto ko na ring sumali! Ang enjoy lang eh, though magkakaiba kayo ng group or organization, still ‘yung tulungan makikita mo talaga eh! Nice.”
Para naman kay @rency07022, “Less competition with the co-players = more chances of winning. Kaibang format naman this time! Congrats #EverybodySing.”
Pinuri rin ni @CristianCofino2 ang outfit ni Vice Ganda bilang ang karakter ni Audrey Hepburn sa pelikulang “Breakfast at Tiffany’s.”
“Thank you meme sa extra effort sa pagsusuot ng bonggang bongga.”
Isang orihinal na konsepto ng ABS-CBN at tunay na Pinoy made ang “Everybody Sing!” na may layuning bigyang-diin ang kahalagahan ng bayanihan at pagtutulungan, lalo na sa panahon ng pandemya.
Noong Linggo (Hunyo 6) naman, hindi rin umuwi ng luhaan ang grupo ng food and beverage service crew mula sa iba’t ibang kainan dahil nakakuha sila ng P40,000 sa jackpot round na kanilang paghahatian.
Hangad ni Vice na muling manumbalik ang sigla sa kanilang industriya upang gumaan na muli ang kanilang paghahanapbuhay.
Samantala sa susunod na Sabado at Linggo (Hunyo 12 at 13), itatampok naman bilang songbayanan ang ating masisipag na janitors at delivery riders. Pwede ring manalo ng P5,000 ang viewers o songbahayan sa bawat episode dahil sa mga espesyal na katanungan ni Vice para sa kanila.
Papalarin kaya ang next batch ng songbayanan? Abangan sa “Everybody, Sing!” tuwing Sabado, 8 pm at Linggo, 7:30 pm sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
Para sa latest tungkol sa “Everybody, Sing!” i-follow ang @EVERYBODYSINGPH sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.