The empowerment anthem will also be recorded in Bahasa, Thai, Japanese, and Spanish
Mapapakinggan at masasabayan na ng fans ang iba’t ibang bersyon ng “Born to Win,” ang nakakaindak na debut single ng P-pop girl group na BINI tungkol sa walang takot na pagharap sa anumang hamon ng buhay.
Available na sa iba’t ibang streaming services ang “Born to Win” Maxi Single na may kasamang Latin version, EDM version, at string quartet version ng awitin na ginamit sa “The Runway,” kung saan inirampa ng BINI ang mga idinisenyong damit ni Francis Libiran para sa grand launch nila.
Mayroon ding instrumental version, pati na acapella version, kung saan nakaangat ang ganda at iba’t ibang kulay ng mga boses ng BINI members na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena.
Bukod sa mga bagong bersyon ng awitin, excited din ang BINI dahil binigyan ng spotlight ang “Born to Win” music video nila sa MTV Asia channel ngayong linggo, mula Hulyo 19 hanggang 25.
Mula nang ilunsad ang BINI noong Hunyo, nakapagtala na ang “Born to Win” ng higit sa 870,000 views sa YouTube at higit sa 300,000 na streams naman sa Spotify.
Ngayong taon naman, mapapakinggan din ang empowering message ng “Born to Win” dahil malapit nang ilabas ang iba’t ibang bersyon nito sa Bahasa, Thai, Japanese, at Spanish.
Pinaghahandaan na rin ng BINI ang joint concert nila kasama ang brother group nilang BGYO, pati na ang debut album nila na maglalaman ng mga orihinal na awitin.
Gaya ng BGYO, dalawang taon ding nag-training ang BINI sa ilalim ng Star Hunt Academy ng ABS-CBN, na hinahanda at hinahasa ang iba’t ibang talents na gustong maging international star. Bago pa man ang official launch nila, gumawa na ng ingay ang BINI sa social media dahil sa pre-debut single nilang “Da Coconut Nut” noong Nobyembre 2020 at nag-viral din ang ilang TV performances nila sa parehong local at international fans.
Maging updated sa BINI at sundan ang BINI_ph sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok, at mag-subscribe na sa official YouTube channel na BINI Official.