News Releases

English | Tagalog

Letter senders at mga artistang gumanap sa kanilang life story, magsasama-sama sa "MMK Shorts: Beyond the Lens"

September 24, 2021 AT 11:37 AM

Pagbubuklodin ng “MMK” ang mga past letter sender at mga artistang nagbigay buhay sa kanilang kwento para sa docu-drama series ng ika-tatlumpung anibersaryo ng programa na “MMK SHORTS: By the Lens” na mapapanood tuwing Sabado, 8PM sa YouTube channel ng ABS-CBN.

 

Muling makakasama ni Vilma Santos ang letter sender ng kanyang kaisa-isang "MMK" episode sa docu-drama series na "MMK Shorts: Beyond the Lens" na mapapanood sa YouTube sa darating na Setyembre 25 (Sabado).

 

Babalikan ng batikang aktres ang naging karanasan niya bilang si Daisy Hernandez na inalagaan ang anak na may espesyal na pangangailangan.

 

Sa "MMK Shorts: Beyond the Lens," kakamustahin ng programa ang ilang letter senders at kanilang mga naging buhay matapos umere ang kanilang episodes. Makakasama rin sa interviews ang mga artista na bumida sa kanilang life story. Ang "MMKShorts: Beyond the Lens" ay bahagi sa lumalaking Kapamilya YOUniverse, ang pagsasama-sama ng iba’t ibang YouTube channels ng ABS-CBN para maghatid ng entertainment, musika, pelikula, at balita.

 

Bukod sa trivia at ilan pang impormasyon na unang malalaman ng netizens sa espesyal na docu drama, makikita rin nila na isang patunay ang "MMK Shorts: Beyond the Lens" sa matatag na relasyon ng programa sa kanilang letter senders kahit pa natapos nang iere ang kani-kanilang kwento.

 

Sa darating na Oktubre 2 (Sabado), kukumustahin din ng programa ang nurse rapper na si Fatima Palma na ginawang MMK ang kanyang kwento noong 2014 matapos maging viral ang kanyang video habang kumakanta ng isang rap song para sa isang pasyente.

 

Pitong taon matapos maipalabas ang kanyang buhay, patuloy pa rin niyang itinataguyod ang adbokasiya sa mga pinagdadaanan ng kanyang kapwa nurse lalo na ngayong pandemiya. Mapapakinggan din sa unang pagkakataon ang rap na kanyang inaalay sa kapwa niya katrabaho at kaibigan.

 

Nagsimula ang “MMK Shorts” noong Sabado (Setyembre 18) kung saan nakapanayam ni Charo ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa na si Hidilyn Diaz.

 

Ibinahagi ni Hidilyn ang mga napagtagumpayan pa niya matapos gawing MMK ang kwento ng kanyang buhay. Sinariwa rin niya ang kanyang pinagdaanang hirap bago mag-Tokyo 2020 Olympics, pati na rin ang kanyang adbokasiyang makatulong sa batang weightlifters sa kanyang probinsya.

 

Mapapanood din sa ibang episodes ang ilan pang letter senders na na-feature rin sa MMK kung saan bumida sina Kim Chiu, Charlie Dizon, Jameson Blake, Elisse Joson, at Maris Racal.

 

Panoorin ang "MMK Shorts: Beyond the Lens" tuwing Sabado ng 8PM sa YouTube Channel ng ABS-CBN.