Knowledge Channel will soon announce the specific shows and features included in this partnership
Para ipalaganap ang kulturang Pilipino sa kabataang Pinoy
Magtutulungan ang Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) at Cultural Center of the Philippines (CCP) sa pagpapalaganap ng kulturang Pilipino sa mga kabataan sa pagpalabas ng mga programa ng CCP sa Knowledge Channel.
I-aanunsyo ng Knowledge Channel sa darating na mga linggo ang mga programang pang-kultura at sining ng CCP na ipalalabas sa una at ikalawang quarter ng taon.
Mapapanood ang mga ito sa Araling Panlipunan at Filipino blocks ng School at Home programming block ng channel.
Nanguna sina KCFI president and executive director Rina Lopez-Bautista at CCP president Arsenio "Nick" Lizaso sa ginanap na memorandum of agreement signing (MOA) noong Disyembre para rito, kung saan nagpasalamat si Lizaso sa pakikiisa ng KCFI sa mga adhikain ng CCP.
Umaasa rin siyang mas maraming estudyante ang magkakaroon ng interes na alamin ang kulturang Pilipino.
Ikinatuwa naman ni Lopez-Bautista ang pag-renew ng kanilang pakikipag-ugnayan sa CCP.
"Malaking tulong sa pagpapalaki ng ating mga anak at sa susunod pang henerasyon ang pagkakaroon ng kaalaman sa sarili nating kasaysayan, kultura, at wika. Dahil dito, lubos nilang mauunawaan, isasabuhay, at ipagmamalaki ang pagiging Pilipino," saad ni Rina.
Una nang nagkaisa ang CCP at KCFI para ipalabas ang adaptasyon ng nobela ni Jose Rizal na "Noli Me Tangere" sa Filipino high school block nito noon, at ilang itinanghal na dula sa weekend performing arts show na "Theater Hour" mahigit sampung taon na ang nakalilipas.
Naroon rin sa nasabing virtual MOA signing ang chairperson ng CCP na si Margarita Moran-Floirendo kasama ang mga board member nitong sina Jaime Laya, Benedict Carandang, Lorna Kapunan, at ang director of operations ng KCFI na si Edric Calma.
Para sa karagdagang educational materials at mga update patungkol sa Knowledge Channel, bisitahin lamang ang opisyal na website nito (knowledgechannel.org) o magtungo lamang sa Facebook (fb.com/knowledgechannel), Instagram (@knowledge_channel), TikTok, Kumu (@knowledgechannelofficial), at YouTube page (youtube.com/knowledgechannelorg) nito.