News Releases

English | Tagalog

Most streamed Pinoy songwriter at producer na si Jonathan Manalo, nakapagtala na ng 1.4B music streams

October 07, 2022 AT 01:57 PM

Jonathan Manalo is most streamed songwriter, record producer with over 1.4B music streams

“Mr. Music: The Hits of Jonathan Manalo” concert is happening on October 15 at the Newport Performing Arts Theater.

“Mr. Music” concert, gaganapin ngayong Oktubre 15
 
Nakapagtala na ng higit sa 1.4 billion streams sa Spotify ang musika ni Jonathan Manalo kaya’t siya na nga ang most streamed Filipino songwriter and record producer of all time.
 
Masusundan pa ang tagumpay na ito sa paglunsad niya ng bagong bersyon ng kanyang mga awitin na binigyang-buhay ng OPM divas na sina Gigi De Lana, Jona, Kyla, Morissette, at Nina. 

 
Ang “Di Ko Kayang Limutin” ni Kyla, “How Can I” ni Nina, “Always on Time” ni Jona, “Patuloy Ang Pangarap” ni Gigi, at “Pagbigyang Muli” ni Morissette ay bahagi ng “The Music of Jonathan Manalo: 20 Years” album.
 
Ipinagdiriwang ng bonggang album ang dalawang dekada ng paggawa ng musika ni Jonathan handog ang 20 tracks na siya mismo ang sumulat at nagprodyus. Bago ito, inilunsad na rin ang pito sa album tracks noong 2021 kasama ang “Pinoy Tayo” remake ni Rico Blanco.
 
Nakatakda na ring maganap ang “Mr. Music: The Hits of Jonathan Manalo” concert sa darating na Oktubre 15 (Sabado), 8 pm sa Newport Performing Arts Theater. Tampok dito ang greatest hits ng tinaguriang Mr. Music na aawitin ng mga natatanging OPM artists.
 
Si Jonathan na kasalukuyang creative director ng ABS-CBN Music ang naging grand winner sa “JAM: Himig Handog sa Makabagong Kabataan” songwriting competition noong 2001 para sa komposisyon niyang “Tara Tena.”
 
Mula noon, nakapagprodyus na siya ng higit sa 1,600 recordings, nagsulat ng higit sa 500 songs, at nagprodyus ng higit sa 200 albums. Ilan sa kanyang hits ang “Ililigtas Ka Niya” ni Gary Valenciano, "Para Lang Sa' Yo" ni Ice Seguerra, “Paano Ba Ang Magmahal” ni Piolo Pascual at Sarah Geronimo,” at "Patuloy Ang Pangarap" ni Angeline Quinto. Umani na rin ng higit sa 100 PARI gold at multi-platinum certifications ang kanyang mga komposisyon at record productions. 
 
Siya ang creative mind sa likod ng albums ng mga tanyag na mang-aawit tulad nina Erik Santos, Kyla, Piolo Pascual, Juris, Jed Madela, KZ Tandingan, Inigo Pascual, Yeng Constantino, at Moira dela Torre.
 
Siya na ang maituturing na most awarded songwriter at record producer ng kanyang henerasyon na may higit sa 500 nominasyon at panalong natanggap.  Kinilala rin siya bilang isa sa Ten Outstanding Music Artists ng nakaraang dekada ng National Commission for Culture and the Arts SUDI Awards noong 2021. 
 
Ilan pa sa mga tanyag na komposisyon niya tulad ng “Tara Tena” at “Kabataang Pinoy” ay naging bahagi din ng unang original musical series ng iWantTFC na “Lyric and Beat,” na mapapanood na ngayon sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z simula Linggo (Oktubre 9), 8:30 pm. 
 
Ipagdiwang ang musika ni Jonathan sa “Mr. Music” concert at pakinggan ang mga awiting bahagi ng kanyang anniversary album. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).
                                                                                                                                     
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE