Bibigyang-pugay muli ng Sagip Pelikula ang premyadong manunulat na si Ricky Lee sa pagpapalabas ng kanyang mga natatanging restored classic, kabilang ang digitally restored legal-drama film ng Star Cinema na "Kapag May Katwiran... Ipaglaban Mo The Movie" simula Marso 17 (Huwebes).
Ito ay bahagi ng online commemorative event nitong "Sagip Pelikula Spotlight: Ricky Lee on KTX.ph" bilang pagpupugay sa mga naging kontribusyon niya sa sineng Pilipino sa kanyang nalalapit na kaarawan ngayong buwan.
Nagpasalamat si Ricky sa Sagip Pelikula dahil sa kanilang natatanging kontribusyon sa sineng Pilipino. Aniya, dahil sa pagre-restore ng mga klasik na pelikula, buhay na buhay ang diwa, kasaysayan, at kultura ng mga Pilipino.
Sisimulan ng Sagip Pelikula ang Spotlight series sa pagpapalabas ng 1995 legal-drama film "Kapag May Katwiran... Ipaglaban Mo The Movie" na hango sa hit anthology series ng ABS-CBN na "Ipaglaban Mo" na pinangunahan ni Atty. Jose Sison noong '90s.
Sa panulat ni Ricky Lee at sa direksyon ni Marilou Diaz-Abaya, tampok sa pelikula ang mga istorya nina Maria (Sharmaine Arnaiz) at Gilda (Chin-Chin Gutierrez) na parehas naging biktima ng pang-aabuso at ang kanilang laban para makamit ang hustisya.
Tampok din sa pelikula ang ilan pang mga batikan na artista tulad nina Elizabeth Oropesa, Ronaldo Valdez, Nida Blanca, Ricky Davao, Joel Torre, at Gina Alajar
Mapapanood ang premiere ng "Kapag May Katwiran... Ipaglaban Mo The Movie" kasabay ang special one-on-one interview kasama si Ricky Lee, simula Marso 17, 7:30 PM sa KTX.ph. Mabibili na ang mga ticket nito sa https://bit.ly/IpaglabanOnKTX sa halagang P150.
Samantala, palabas din sa Spotlight series ang ilan pang mga natatanging obra ni Ricky Lee, kabilang ang "Noon at Ngayon," "Karnal," "Moral," "Cain at Abel," "Haplos," "Sa Aking Mga Kamay" at iba pa simula Marso 18 (Biyernes). Available na rin ang mga tickets nito sa KTX.ph.
Ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).
Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).