News Releases

English | Tagalog

Mga babaeng takot umamin sa crush, ginawan ng “Pambihirang Harana” ni Cesca

March 21, 2022 AT 11:40 AM

May kasunod agad na bagong kanta ang baguhang Star Pop artist na si Cesca na pinamagatang “Pambihirang Harana” tungkol sa matapang na pag-amin ng isang babae sa nararamdaman niya sa taong gusto niya.
 
“’Yung ‘Pambihirang Harana’ ibang take sa pag-initiate ng relationship. Pinapakita rito na pwede ring maunang mag-express ng feelings ang mga babae na hindi nagmumukhang desperado o needy,” paliwanag ni Cesca.
 

Hatid nito ang kwento na malayo sa nakasanayan kung saan ang babae ang naunang nagpahayag ng nararamdaman niya para sa lalaki na alam niyang may gusto rin sa kanya. Maririnig ito sa lyrics na, “Nais kong ipaalam na ito'y pang sa atin lamang / Alam ko ang babae ay ‘di dapat umaamin ng ganito, bakit ganon? / Mali bang sabihing ako'y may gusto sayo?.”
 
Isinulat ni Cesca ang kanta na ipinrodyus ni Star Pop head Rox Santos at inareglo ni Tommy Katigbak.

 
Kasalukuyang bahagi ang “Pambihirang Harana” ng New Music Friday playlist ng Spotify na isang malaking bagay para sa kakalunsad lang na artist. Bago ito, inilabas ni Cesca ang debut single niyang “Love Sick (Pagmahalasakit),” na dahilan para maging cover feature siya sa editorial playlists sa Spotify Philippines na “OPM Rising” at “Fresh Finds Philippines” at mapasama sa women-focused playlist na “EQUAL Philippines.”
 
Bukod sa pagiging singer-songwriter, isa ring visual at multimedia artist si Cesca na nakatakdang ilabas ang debut EP niyang “Travel” ngayong summer. Ilan sa mga impluwensiya niya sa musika sina Neil Sedaka, Gary Granada, at Taylor Swift.
 
‘Wag matakot aminin ang nilalaman ng iyong puso at pakinggan ang bagong single ni Cesca na “Pambihirang Harana” sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph).

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE