News Releases

English | Tagalog

Jonathan Manalo gumawa ng musika para sa "TETELESTAI" art installation ni Kristine Lim

April 13, 2022 AT 03:46 PM

Makikita sa Alabang at Intramuros hanggang April 17 at 20
 
Hatid ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang isang mas malalim na karanasan para sa “TETELESTAI” art installation ng ‘Artist on a Mission’ na si Kristine Lim na makikita sa Alabang at Intramuros hanggang April 17 at 20.
 
Ani Jonathan, sa paggawa ng musika para sa art installation ni Kristine ay napagnilayan niya ang grasya ng Diyos sa tulong ng himig nito. “Sana ‘yung mensahe ng Panginoon, na ibinulong kasama ng dasal ko sa bawat nota ng komposisyon ko, ay magabayan ang mga tao sa karanasan nila sa paglakad sa makitid na daan.”
 
Sakto sa paggunita ng Mahal na Araw ang art installation ng missionary visual artist na si Kristine na “TETELESTAI,” isang salitang Hebrew na nangangahulugang “it is finished” sa Ingles.
 
Ipinapakita sa napapanahong obra ang isang krus na nasa sahig at natatakpan ng pulang tela na sumisimbulo sa dugo ni Hesus. Napapaligiran ito ng mga piraso ng itinapong sanga at basura na dahilan para maglakad dito ang mga tao dahil ito lang ang ligtas na daan para makalabas sila sa madilim na lagusan.
 
Ayon kay Kristine, layunin niyang ibahagi sa mga tao ang kanyang ‘personal reflection’ gamit ang kanyang art. “It is a personal reminder for a sinner like me, who keeps on failing and falling in the mundane, to ask the Lord to help my unbelief. We must live a life that’s completely free because we are forgiven through the love that’s beyond what our mind and hearts can conceive.”
 
Masisilayan ang “TETELESTAI” art installation sa Molito Lifestyle Center sa Alabang hanggang Linggo ng Pagkabuhay (April 17) at sa Baluartillo de San Francisco Javier, Fort Santiago sa Intramuros, Maynila hanggang April 20 (Miyerkules).
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE