News Releases

English | Tagalog

Noli de Castro balik TV para maghatid ng mga kwento ng inspirasyon sa ‘KBYN: Kaagapay Ng Bayan’

April 13, 2022 AT 06:01 PM

 

Isang magandang balita para sa bayan ang hatid ng ABS-CBN sa pagbabalik ng nag-iisang Kabayan Noli de Castro sa TV upang maghatid ng mga kwento ng inspirasyon, pagbangon, at pagtutulungan sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan.” 

 

Agad kinagiliwan ng manonood ang unang episode ng “KBYN” noong Linggo (Abril 10), 5 pm bago ang “TV Patrol Weekend” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, TeleRadyo, ABS-CBN News (news.abs-cbn.com), at A2Z na handog ang mga makabuluhang kwento na pupukaw sa mga puso. 

 

Unang itinampok ni Kabayan ang kwento ni Joana Sisracon, isang dalagang nabiktima ng sunog noong siya ay bata pa lamang na ngayon ay pinagkukunan na ng iba ng inspirasyon sa social media at isa na ring social media ambassador ng isang local cosmetics company.  

 

Binisita rin ni Kabayan ang mga nag-aalaga ng baboy sa Barangay San Isidro sa Cuenca Batangas, na umaaray dahil sa sunod-sunod na dagok na dumating sa kanilang pamumuhay – isa na rito ang pagkalat ng ASF (African Swine Fever) sa kanilang mga baboy.  

 

Tinampok din ni Kabayan ang pagsisikap ng mga Aeta sa Zambales sa kabila ng hamon ng pandemya sa kanilang edukasyon, pati na ang kwento ni Gizelle Obidao, na yaya ng 50 uri ng aso sa Laguna na dati ay takot sa mga ito.  

 

Ani YouTube user Leo Mark Bautista, “Maganda ang pilot episode. Very simple, but relevant issues are tackled. Looking forward to more exceptional episodes.” 

 

Naalala naman ng netizen na si Jafet Dela Torre ang dating show ni Kabayan, “Nakakamiss parang Magandang Gabi Bayan.” 

 

Samantala, sunod naman na ipapakita ni Kabayan sa Linggo (Abril 17) ang hirap na dinaranas ng jeepney drivers dulot ng pandemya na ngayon ay gumagawa ng computer tables upang guminhawa sa buhay. Tampok din sa susunod na episode ang matinding training ng mga nangangarap na maging P-Pop idols sa SBTalent Camp na nag-train sa grupong SB19. 

 

Abangan ang iba pang kwento ng inspirasyon at pag-asa, pagbangon sa gitna ng mga hamon, at pagkawang-gawa ng bawat Pilipino anuman ang sitwasyon ng kanilang buhay sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan,” tuwing Linggo, 5 pm bago ang “TV Patrol Weekend.”  

 

Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.