News Releases

English | Tagalog

Pagbangon ng Odette survivors, inilahad sa “Mga Kwento ng Operation Odette”

April 18, 2022 AT 02:30 PM

Odette survivors tell their stories of hope in “Mga Kwento ng Operation Odette”

Narratedby Bernadette Sembrano, it featured beneficiaries of ABS-CBN and ABS-CBNFoundation’s “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan” campaign. A new episode streamed every day at 8 pm on the Facebook, Twitter, Instagram, and YouTube channels of ABS-CBN Entertainment and ABS-CBN News from April 9 toApril 18.

Pagkatapos magbahagi ng talento ang Kapamilya stars ng tatlong buwan para sa mga biktima ng bagyong Odette, kwento naman ng pag-asa ang inihatid gabi-gabi ni Bernadette Sembrano sa “Mga Kwento ng Operation Odette” ng ABS-CBN.

Tampok ang mga pamilyang natulungan ng “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan” campaign ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation, napanood ito sa Facebook, Twitter, Instagram, at YouTube channels ng ABS-CBN Entertainment at ABS-CBN News mula Abril 9 hanggang Abril 18 ng 8 pm.

Unang nakilala ang pamilya Guarin ng Dinagat Islands at Surigao Del Norte, kung saan daang libong pamilya ang nawalan ng bahay at kabuhayan.

Upang makaahon, nagtayo muna ng pansamantalang masisilungan si Wilmar Guarin, na nawalan din ng hanapbuhay dahil sa bagyo. Bukod sa home repair kit, binigyan rin sila ng dalawang biik upang makapagsimula muli.

Ani ng kanyang asawang si Lucinda, “salamat po sa ABS-CBN talaga. Libo-libong pasasalamat ko po ma'am. Itong ibinigay niyo pong tulong, ito na po 'yung makabangon na kami sa hirap namin.”

Tulad nila, lubos din ang pasasalamat ng mangingisdang si Asisilio Cesar ng Southern Leyte, na nabigyan ng bagong bangka gamit ang materyales na dala ng ABS-CBN Foundation.

“Kaunti lang natira sa amin. Noong wala pang bagyo nakakakain kami. Ngayon parang mahirap na talaga ang buhay… Maligayang-maligaya ako dahil may bangka na ako,” aniya.

Sa Bohol naman, mga materyales para sa 300 bagong bahay ang ipinarating sa mga nasalantang residente ng Brgy. Cabacungan sa Loon, kabilang si Gaspar Palacio.

Kabilang sa mga tumulong sa pagtatayo ng bahay niya ang director for advocacy ng ABS-CBN Foundation na si Ernie Lopez.

“Talagang hulog ng langit po. Salamat talaga sa inyo dahil sa malaking tulong ninyo,” ani Gaspar.

“Pagdating niyo sobrang saya ko na kasi natanggap ko na ang pinapangarap kong makatayo ng bahay,” dagdag ng kanyang asawa na si Angelita.

Ang mga pamilyang Guarin, Cesar, at Palacio ay ilan sa mga benepisaryo ng unang tatlong fundraising activities na “By Request,” “Truth or Dare,” at “PBB Online 10Dahan.” Natunghayan din sa “Mga Kwento ng Operation Odette” ang buhay at pagbangon ng mga natulungan din ng “Kilig Match,” “By Request Part 2,” “Kapamilya Family Date Nights,” “It’s Showtime’s It’s Sharetime,” “By Request Part 3,” at “Star Magic Game Zone.”

Samantala, isang pagdiriwang din ang inihatid ng “ASAP Natin ‘To” noong Abril 17 sa pagtatapos ng 100 araw na fundraising ng “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan.”

Sa kabuuan, nakalikom na ng cash donations na P105.65 milyon at P16.49 milyong in-kind donations noong Abril 13 samantalang 207,649 na ang pamilyang nakatanggap ng food packs at 584 naman ang nabigyan ng home repair kits na kanilang magagamit sa pagsasaayos ng kanilang mga tahanan.

Maaari pa ring maghatid ng donasyon sa pamamagitan ng Tulong Vouchers sa Shopee at Lazada na idaragdag sa pondo para sa home repair kits. Para sa ibang impormasyon, pumunta sa ABS-CBN Foundation website at sa mga opisyal nitong account sa FacebookTwitter, at Instagram accounts.

Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28, 2022. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.