Mga malalaking pagong sa isang farm, binisita ni Kabayan
Paano nga ba umabot sa edad na 100-anyos?
Iyan ang malalaman ng mga manonood mula sa tatlong centenarian ng Negros Occidental sa “KBYN: Kaagay ng Bayan” ngayong Linggo (Hunyo 12) sa Kapamilya Channel, A2Z, at Kapamilya Online Live.
Kasama si Noli De Castro, kilalanin ang 102-anyos na si Ramonieta ‘Lola Monet’ Rico na matalas pa ang memorya at hilig pa rin kainin ang taba ng baboy. Ang 102-anyos at 104-anyos naman na sina Magdalina Susano Ortega at Juan Esmeralda, pawang walang iniinom na maintenance.
Makulay din ang buhay ng tatlong centenarian dahil dalawa sa kanila ang dalawang beses nakahanap ng pag-ibig, habang ang isa ay nagtaguyod ng tatlo pang anak ng kanyang asawa bilang dating caretaker ng isang bodega.
Makikita rin ng viewers ng “KBYN,” na napapanood din sa news.abs-cbn.com/live at ABS-CBN News YouTube channel, ang pagbisita ni Kabayan sa isang farm sa Bulacan na tahanan ng iba’t ibang naglalakihang pagong at mga hindi pangkaraniwang reptilya. Pagmamay-ari ang farm ng negosyanteng si Jaime Lim na bata pa lamang ay nahilig na sa pag-aalaga ng ganitong uri ng mga hayop.
Samantala, tatagos din sa puso ang adbokasiya ng The European Hair Factory na misyon ang gumawa ng mga wig gamit ang tunay na buhok sa pamamagitan ng Hair for Hope Project. Makikilala ng viewers ang colon cancer survivor na si Geronimo Pablo, Jr. na panata na ang magpakalbo taon-taon upang mag-donate ng buhok sa proyekto, pati na si baby Sophia Cunanan na nalalagas ang buhok dahil sa chemotherapy pero nakakahugot ng sigla mula sa pagsuot ng wig.
Maaliw at ma-inspire sa handog na mga kwento ng “KBYN: Kaagapay ng Bayan,” tuwing Linggo, 5 pm bago ang “TV Patrol Weekend” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, news.abs-cbn.com/live, YouTube ng ABS-CBN News, at A2Z.
Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.