News Releases

English | Tagalog

Jane, nagpabilib sa unang transpormasyon bilang ‘Darna’

August 24, 2022 AT 11:00 AM

Mga bagong karakter nina Dominic Ochoa at Joko Diaz, ipinakilala

Napanood na nga ang inaabangang pagt-transform ni Jane De Leon bilang bagong Darna noong Biyernes (Agosto 19), na magandang pagtatapos sa pilot week ng ABS-CBN serye kung saan napanood din ang pagkamatay ni Leonor (Iza Calzado), ang unang Darna.
 
Nabunyag sa #LipadDarna episode kung paano napunta uli ang mahiwagang bato kay Narda—na ngayon ay isang nang emergency medical technician—habang nagsasagawa ng rescue mission dahil sa isang lindol sa Nueva Esperanza.
 
Kahit na duda sa kakayahan niyang gampanan ang kapalaran bilang isang superhero, matapang na isinubo ni Narda ang bato na dahilan ng paglabas ng kanyang Darna alter ego at pagliligtas niya sa mga na-trap sa guho dahil sa lindol.
 

Dahil sa kaabang-abang na eksena, naging number 1 trending sa Pilipinas at number 2 worldwide sa Twitter ang hashtag na #LipadDarna, kung saan bumuhos ang papuri para sa pagganap ni Jane, costume niya, at visual effects.
 
Sa episode nitong Lunes, ipinakilala na rin ang misteryosong karakter nina Javier Toledo o Lindol Man (Dominic Ochoa) at Master Klaudio (Joko Diaz), na tumulong kay Ding mula sa mga lalaking gustong mambugbog sa kanya. Maging kakampi o kalaban kaya sila nina Ding at Narda?
 
Samantala, tuloy din ang pagtutulungan nina Regina (Janella Salvador) at Brian (Joshua Garcia) para ibulgar ang korapsyon ni Mayor Zaldy Vallesteros (Simon Ibarra) matapos nilang malaman na dating chief engineer si Toledo ng gumuhong gusali dahil sa lindol.
 
Tutok na sa “Mars Ravelo’s Darna,” Lunes hanggang Biyernes, 8 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, CineMo, at TV5. Mapapanood din ito sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at The Filipino Channel.
 
Para sa iba pang impormasyon, sundan ang JRB Creative Production sa Facebook at Twitter (@JRBcreativeprod) at sa Instagram (@JRBcreativeproduction). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.