News Releases

English | Tagalog

Mga kanta nina Moira, Gigi, at BGYO, milyun-milyon na ang streams sa Spotify at YouTube

August 24, 2022 AT 12:57 PM

Mga theme song ng “2 Good 2 Be True” at “Flower of Evil” patok

Wala na talagang makakapigil sa pagpapamalas ng Kapamilya artists na sina Moira Dela Torre, Gigi De Lana, at BGYO sa galing ng Original Pilipino Music (OPM) dahil ilan sa mga bago nilang awitin ang nagtala ng milyun-milyong streams sa Spotify at YouTube.
 
Una na syempre dyan si Moira, na noong Disyembre ay lumampas na sa isang bilyon ang all-time streams sa Spotify. Patuloy siya sa pagpapasiklab ng kanyang talento sa songwriting at natatanging pagkukwento gamit ang musika dahil ang mga bago niyang single na “Kumpas” at “Dito Ka Lang” ay nakakuha na ng milyun-milyong digital streams.

 
Ang theme song ng programang “2 Good 2 Be True” na “Kumpas” ay mayroon na sa ngayong higit 15.5 milyong plays sa Spotify habang mayroon naman itong higit 17 milyong views sa YouTube mula sa pinagsama-samang views ng lyric video, lyric visualizer, at official audio nito. Naririnig ito tuwing may nakakakilig na eksena ang mga bida ng serye na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

 
Ang awiting “Dito Ka Lang” na Tagalog interpretation ni Moira ng theme song ng “Flower of Evil” na “In My Heart” ay umani na ng higit 2.6 milyong YouTube views at isang milyong Spotify streams. Nagsisilbi itong pampakalma sa magulong relasyon nina Piolo Pascual at Lovi Poe sa weekly series.
 
Samantala, umabot na rin sa 1.1 million streams sa Spotify ang bersyon ng breakout singer na si Gigi De Lana sa “Bakit Nga Ba Mahal Kita.” Nag-viral si Gigi matapos niyang awitin ang kanta online, at naging bahagi rin ng debut album niya na inilabas nitong Enero.

 
Patuloy din ang BGYO sa pagpapalaganap ng kanilang musika dahil ang single nina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate na “Best Time” na theme song ng sikat na youth series na “He’s Into Her” season 2 ay mayroon na ngayong higit 1.1 milyong streams sa Spotify. Sa katatapos lang na TikTok PH Awards 2022, isa rin ang BGYO at sibling group nitong BINI sa apat na nanalo bilang Group of the Year.

 
Tatlo lamang sina Moira, Gigi, at BGYO sa artists mula sa talent roster ng ABS-CBN Music, na regular na nagpprodyus at nagre-release ng mga awitin mula sa mga record labels nitong Star Music, Star Pop, DNA Music, at Tarsier Records para sa music fans sa Pilipinas at sa buong mundo.
 
Pakinggan ang mga awitin nina Moira, Gigi, at BGYO sa iba’t ibang digital platforms! Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music a Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE