News Releases

English | Tagalog

Sen. Legarda, itatampok ang mga katutubong ritwal sa "Dayaw" Season 12

September 26, 2022 AT 03:12 PM

Eere simula ngayong Setyembre 29

 

Sa patuloy na pagsisikap na mapanatiling buhay ang mga tradisyong Pilipino, nagbabalik aang premyadong dokyu series na “Dayaw” para sa ikalabindalawang season nito, na magtatampok ng mga katutubong kultura at kaugalian, sa ABS-CBN News Channel (ANC) ngayong Setyembre 29, 8pm.

Pinamagatang “Kakaibang Sigla: Our Boundless Energy” ang bagong season ng programa na itutuon sa buhay ng mga katutubong Pilipino — mula sa mga ritwal ng binyag at iba pang mga seremonya, sa tradisyunal na panliligaw at kasal, hanggang sa mga ritwal ng kamatayan. Maliban dito, ipapakita rin sa mga manonood ang mga tradisyonal na kasalan ng Ga’dang ng Mountain Province, ng T'boli ng Lake Sebu at ng Sama Dilaut ng Tawi-Tawi.

Sa kabila ng kanyang trabaho bilang four-term senator at chairperson ng Senate Committee on Culture and the Arts, patuloy na namumuno sa “Dayaw” si Sen. Loren Legarda bilang pangunahing host nito.

Isinusulong niya ang pagpapahalaga sa sining at kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga masigla at makulay na mga katutubong tradisyon sa telebisyon. Layunin niya maipakita ito sa mga kabataang manonood.

“Mahalaga na patuloy nating isulong ang sining at kultura ng Pilipinas dahil sa kabila ng tila lumalagong interes sa katutubong kultura, partikular sa ating mga tela at mga produktong hinabi, ang antas ng pagpapahalaga sa kultura ng ating mga katutubo ay nananatiling kulang.”

Ayon sa kanya, dahil sa globalisasyon at inobasyon teknolohiya, hindi na napapansin ng mga tao ang mayaman at makabuluhang kulturang mayroon ang Pilipinas. Gayunpaman, sa paglulunsad ng ikalabindalawang season ng “Dayaw”, nilalayon nilang ipakita at panatilihin ang mga tradisyong ito sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang plataporma.

Napapanood ang “Dayaw” Season 12 tuwing Huwebes, 8pm sa ANC sa cable at sa ANC Facebook page. Para sa balita, i-follow ang @ANCalerts sa Facebook at Twitter o bumisita sa news.abs-cbn.com/anc online o sa pamamagitan ng ABS-CBN News App. Pwede ring manood sa iWantTFC. 

Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE