News Releases

English | Tagalog

Kim, Paulo, at JM bibida sa bagong serye ng Prime Video na "Linlang"

October 02, 2023 AT 10:37 AM

Gaganap bilang mag-asawa na may mga lihim at tinatagong pantasya

 

Mapangahas na mga karakter ang bibigyang buhay ng Kapamilya stars na sina Kim Chiu, Paulo Avelino, at JM de Guzman sa bagong suspense-thriller series na “Linlang,” na likha ng ABS-CBN at Dreamscape, at eksklusibong ipapalabas sa Prime Video sa Oktubre 5.

Iikot ang kwento ng serye kay Victor “Bangis” Lualhati (Paulo Avelino), dating boksingero na naging seaman, at sa kanyang pagtuklas ng katotohanan sa likod ng pagtataksil ng kanyang asawang si Juliana (Kim Chiu).

Sa pag-iimbestiga ni Victor kay Juliana, madidiskubre niya na hindi lang simpleng pangangaliwa ang ginawa nito.

Pero sa pag-ungkat niya sa katotohanan, mapipilitan siyang harapin ang mga pagkukulang niya at alamin ang halaga niya bilang lalaki at bilang asawa.

“Salamat sa tiwala and thank you [to Prime] for providing us a platform na maipalabas itong series na pinaghandaan talaga namin. Sobrang excited ako na mapanood siya worldwide,” pasasalamat ni Kim para sa pagiging parte niya sa panibagong collab serye ng ABS-CBN at Prime Video, pagkatapos ng “Fit Check: Confessions of an Ukay Queen.”

Makakasama rin nina Kim, Paulo, at JM ang mga premyadong aktres na sina Maricel Soriano at Ruby Ruiz, at ang isa sa rising stars ng ABS-CBN na si Kaila Estrada.

Kabilang din sa serye sina Jaime Fabregas, Raymond Bagatsing, Albie Casiño, Jake Ejercito, Heaven Peralejo, Adrian Lindayag, Race Matias, Benj Manalo, Lovely Abella, Frenchie Dy, Ross Pesigan, Hanna Lexie, Juno Advincula, Connie Virtucio, Lotlot Bustamante, Meann Espinosa, Danny Ramos, Bart Guingona, Marc Mcmahon, Anji Salvacion, at Kice. Sina FM Reyes at Jojo Saguin naman ang mga direktor ng serye.

Habang tinatahak ni Victor ang masalimuot na mundo ng pag-ibig, pagtataksil, at pagbabago, pipiliin ba niyang ipaglaban ang relasyon nila ni Juliana o gumawa na lang ng bagong landas para sa kanyang sarili?

Alamin sa bagong suspense-thriller series ng ABS-CBN na “Linlang,” na ipapalabas sa Prime Video, na available sa Pilipinas at sa mahigit 240 bansa at teritoryo sa buong mundo, simula Oktubre 5.

Para sa iba pang updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.