News Releases

English | Tagalog

KZ, na-block ni Martin sa umiinit na blind auditions ng “The Voice Kids”

March 08, 2023 AT 03:49 PM

Mga bulilit mula sa Luzon, Visayas kabilang na ang magkapatid, pasado sa blinds

 

Kahit siya ang naghatid kay KZ Tandingan sa altar noong kanyang kasal, hindi nagdalawang-isip si coach Martin Nievera na gamitin ang kanyang kapangyarihan na i-block ang kapwa coach na si KZ matapos mapabilib sa isang young artist mula sa Olongapo sa ikalawang weekend ng blind auditions sa “The Voice Kids.” 

Pinahanga ng 10 taong gulang na si Kai Marmento sina Martin at KZ sa pag-awit niya ng “Hesus,” pero nawalan ng pagkakataon si KZ na hikayatin si Kai na sumali sa kanyang team dahil ginamit ni Martin ang block button para makuha si Kai. 

“Sorry, anak. We have the same type. The competition is stiff. I knew you were going to press [the button]. I know you so well,” ani Martin kay KZ. 

“Tama na po. Huwag na po kayong mag-explain. Nasaktan na ang dapat masaktan,” pabirong sagot ni KZ kay Martin na tinuturing niya na tatay sa showbiz. 

Sa isang panayam sa “TV Patrol,” ibinahagi nina Martin at KZ kung gaano na kalayo ang narating nila mula sa pagiging mentor at mentee. 

“Parang 10 years ago, coach siya sa sinalihan ko. Ngayon, magkasama na kaming coach,” sabi ni KZ. 

Bilib naman si Martin sa kanyang anak anakan na si KZ na ngayon ay kapwa coach niya. “I am very proud of KZ because it took me 40 years to sit on the red seat. It only took her 10 years to get on the same seat right beside me,” kwento ni Martin. 

Bukod kay Kai, nadagdag din sa MarTeam si John David Centeno (10 y.o.) ng Rizal. 

Ang kapatid ni John David na si Honey Centeno (8 y.o.) naman ay pinili si coach KZ. Ang iba pang bagong miyembro ng Team Supreme ay sina Xai Martinez (12 y.o.) ng Caloocan City, Kreya Morta (12 y.o.) ng Cebu, at Luke Daniel Dela Cruz (11 y.o.) ng Benguet. 

Samantala, bahagi na ng Kamp Kawayan ni coach Bamboo sina Princess Canete (12 y.o.) ng Rizal at Chaelna Magnaye (10 y.o.) ng Batangas. 

Sinong “The Voice Kids” young artists na naman ang sunod na magpapabilib kina coach Bamboo, KZ, at Martin sa blind auditions? Abangan sa “The Voice Kids,” kung saan pangarap ang puhanan at boses ng bulilit ang labanan, tuwing weekend sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at iWantTFC tuwing 7 pm at sa TV5 (tuwing Sabado 7 pm, tuwing Linggo at 9 pm). Mag-subscribe rin sa YouTube channel ng “The Voice Kids Philippines” para sa updates. 

Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa FacebookTwitterInstagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom