News Releases

English | Tagalog

Mga personalidad ng ABS-CBN News, pinarangalan sa Gandingan Awards ng UP Los Baños

May 23, 2023 AT 08:55 AM

Balita ukol sa West PH Sea at TeleRadyo host kabilang sa mga nagwagi   

Wagi sina ABS-CBN broadcast journalist Jervis Manahan at TeleRadyo host Edric Calma sa ika-17th Gandingan Awards ng University of the Philippines Los Baños. 

Kinilala bilang Most Development-Oriented News Story ang balita ng mamamahayag na si Jervis Manahan tungkol sa mga pinagdadaanang hamon ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea. Bahagi ang balita ni Jervis sa tatlong linggong coverage ng ABS-CBN News sa expedition ng UP Marine Science Institute scientists sa Pag-asa Island. 

“Hindi madalas napakikinggan ‘yung kanilang boses [mga mangingisda sa West Philippine Sea], kaya dapat mas binibigyan ng espasyo sa telebisyon at ibang media platforms,” ani Jervis sa kanyang acceptance speech.

Samantala, nagwagi naman si Edric bilang Best TV Program Host. “Ang media po ay hindi lamang talaga pang entertain, hindi lamang po talaga pagbibigay ng information ang ginagawa, kundi napakahalaga po ng education na maaaring ibigay ng media, edukasyon na magagamit para paunlarin ang kanilang kabuhayan, ang ating estado sa ating lipunan, at pang-apat ‘yung ating public service,” sabi ni Edric. 

Pinaparangalan ng Gandingan Awards ang mga bukod-tanging balita, programa, at personalidad tuwing taon. 

Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.