Sunshine, nagkaroon ng PTSD, major panic disorder, at social anxiety
Ilalahad ni "Pira-Pirasong Paraiso" actress Sunshine Dizon ang matinding pagsubok sa kanyang mental health at kung paano niya ito nalampasan sa "Tao Po" kasama si Bernadette Sembrano ngayong Linggo (Agosto 6) sa Kapamilya Channel at A2Z.
Ani Sunshine, gusto niyang maging inspirasyon ang kanyang kwento sa mga manonood na kinakaharap ang mga dinanas niyang kondisyon tulad ng Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD), major panic disorder, at social anxiety upang sila rin ay magkaroon ng lakas ng loob na humingi ng tulong at hindi mawalan ng pag-asa sa buhay.
Samantala, tutulungan ni Kabayan Noli de Castro si Ermenda Lumacad, na naputulan ng paa dahil sa diabetes, na makuha ang hiling na magkaroon ng prosthetic leg. Naaksidente si Ermenda, na dating miyembro ng patrol group sa Pasig City, pitong taon na ang nakaraan na humantong sa diagnosis ng kanyang diabetes. Sa kabila nito, patuloy siyang naging breadwinner ng kanyang pamilya habang inaalagaan ang kanyang limang anak, na dalawa sa mga ito ay may sakit na epilepsy at autism.
Nakilala rin ng Kapamilya reporter na si Lyza Aquino ang 64-anyos na biyuda sa likod ng sikat na sotanghon sa Quiapo at nakibahagi sa kanyang matrabahong buhay bilang isang kusinera. Masasaksihan ng mga manonood kung paano magluto at maghain ng kanyang signature dish si Rosa Hilario sa kanyang maliit na tindahan. Ipapaalam rin ni Nanay Rosa ang kanyang sikretong recipe para maka-move on sa kabila ng lahat ng mga hadlang na ibinato sa kanya ng buhay.
Panoorin ang mga kwento ng inspirasyon na ito ngayong Linggo (Agosto 6) sa “Tao Po” mula 6:15 p.m. sa Kapamilya Channel at A2Z.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.