News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN Entertainment nakalikom na ng 45 milyong YouTube subscribers

September 18, 2023 AT 11:20 AM

Numero unong YouTube channel pa rin sa buong Southeast Asia

May bagong milestone ang ABS-CBN Entertainment dahil nakakuha na ito ng 45 milyong subscribers sa YouTube para mapanatiling numero unong YouTube channel sa buong Southeast Asia.

Nangungunang YouTube channel ito sa Media and Entertainment category sa buong rehiyon, ayon sa global video measurement at analytics platform na Tubular Labs.

Patuloy pa ring lumalawak ang presensya sa online ng ABS-CBN sa iba’t ibang parte ng mundo upang magbigay saya at inspirasyon sa mga manonood. Kamakailan, naging available na rin nang live at on-demand ang “Senior High,” ang pinakabagong Kapamilya primetime teleserye, sa US, Canada, Middle East, Europe, at Australia. 

Sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel din napapanood ang Kapamilya Online Live, kung saan libreng nasusubaybayan ang livestream ng iba’t ibang Kapamilya shows sa Pilipinas at sa ilang mga teritoryo. Noong Setyembre 11, winasak ng tatlong primetime shows ang kani-kanilang live viewership record sa YouTube na may 478,297 viewers para sa “FPJ’s Batang Quiapo,” 451,538 viewers para sa “The Iron Heart,” at 152,702 viewers para sa “Senior High.”

Tinututukan din sa YouTube ang maiinit na tagpo sa afternoon shows na “Pira-Pirasong Paraiso” nina Elisse Joson, Alexa Ilacad, Charlie Dizon, at Loisa Andalio at ang “Nag-Aapoy Na Damdamin” nina Tony Labrusca, Ria Atayde, JC De Vera, at Jane Oineza. 

Masusubaybayan din ng viewers sa buong mundo ang red carpet live coverage sa YouTube ng inaabangang ABS-CBN Ball 2023 kung saan magsasama-sama ang paboritong mga artista sa industriya sa Setyembre 30.

Tampok din sa YouTube ang panonood ng mga eksklusibong “Made for YouTube” shows na available worldwide. Ilan sa mga ito ang “Retox 2 Be Continued” nina Gillian Vicencio at Yves Flores, “Love Bites” seasons one at two, behind-the-scenes vlogs na “BINI x BGYO US Vlogs” at “Unbreak My Heart: Europe Experience,” at iba pang dapat abangan ngayong taon.

Mababalik-balikan din ang mga classic at paboritong Kapamilya shows na tampok sa ABS-CBN Superview. Nariyan ang mga kwentong pag-ibig na “Halik,” “A Love to Last,” “Got to Believe,” at “Pangako Sa ‘Yo,” ang anthology series na “MMK,” at iba pa. 

Ang lumalaking komunidad ng ABS-CBN sa YouTube ay patunay ng unti-unting pag-transition ng ABS-CBN sa pagiging isang digital company na may pinakamalawak na online presence at pinakamadaming digital properties na pinapanood ng marami.

Maging parte ng online pamilya ng ABS-CBN sa pag-subscribe sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE