News Releases

English | Tagalog

Pondong nalilikom sa ABS-CBN Ball, malaking tulong sa ABS-CBN Foundation upang patuloy na makapaglingkod

September 28, 2023 AT 04:46 PM

Publiko may kapangyarihang tumulong habang sinusuportahan ang Kapamilya stars

 

Star-studded at laging inaabangan ng publiko ang ABS-CBN Ball, pero bukod sa pagiging glamoroso ng okasyon, isa ring makabuluhang pagtitipon ang Ball na nakakatulong sa ABS-CBN Foundation upang patuloy na makapaglingkod sa mga Pilipino dahil parte ng proceeds mula sa Ball ay ibinibigay sa Foundation.

 

“Super malaking tulong. Ang laki ng donation galing sa stars and attendees. ‘Yung pera na ‘yan we save it para magamit sa magandang purpose,” sabi ni ABS-CBN Foundation managing director Roberta Lopez-Feliciano sa isang panayam sa ABS-CBN News.

Sa pagbabalik ng ABS-CBN Ball pagkatapos ng apat na taon, magiging beneficiaries nito ang limang adbokasiya ng Foundation na  disaster risk reduction and response (Sagip Kapamilya), child welfare and protection (Bantay Bata 163), education (Programa Genio), environmental conservation (Bantay Kalikasan), and livelihood and social entrepreneurship (Integrated Area Development).

Isa si Meg Montecarlo, survivor ng bagyong Ondoy at ABS-CBN scholar sa pamamagitan ng Bantay Bata program noong 2011, sa mga natulungang makaangat sa buhay ng ABS-CBN Foundation.

Kwento ni Meg, noong natangay ang kanilang tahanan ng baha na dulot ng bagyong Ondoy, kasama na ring natangay ang pangarap niyang magkaroon ng magandang kinabukasan. Pero noong maging scholar siya ng ABS-CBN Foundation, natuto siyang muling mangarap para sa sarili at pamilya.

“Dati po ang pangarap ko lang po noon ay maka-survive sa pang araw-araw namin. Pero hindi ko pa po alam na mas malaki pa po ‘yung maibibigay sa akin na tulong ng ABS-CBN Foundation at maisakatuparan ko pa po ‘yung mga iba ko pa pong mga pangarap,” giit ni Meg sa isang panayam.

Tulad noong mga nakaraang Ball, ibibigay ang bahagi ng proceeds na malilikom sa ABS-CBN Ball sa Foundation. Ibibigay din sa Foundation ang mga pledge ng mga artista at ibang attendees.

Ngayong taon, may kapangyarihan din ang taumbayan na magbigay ng tulong sa Foundation, habang sinusuportahan ang kanilang mga paboritong Kapamilya stars sa pamamagitan ng online voting para sa People’s Choice Stars of the Night, People’s Choice Power Couple of the Ball, at Star Magic Fan Favorite. Para bumoto, pumunta lang sa ktx.ph at piliin ang Kapamilya stars na gustong suportahan (P100 = 100 votes. P200 = 250 votes. Matatapos ang pre-ball voting sa Setyembre 30, 9 pm.

Pwede ring bumoto ang fans habang nanonood ng livestream ng ABS-CBN Ball red carpet special sa Setyembre 30 mula 6 pm hanggang 9 pm sa YouTube Super Chat ng ABS-CBN Entertainment o Metro.Style YouTube channel. Para bumoto, kailangan lang i-type ang category at pangalan ng artist sa comments section ng livestream (P1 worth of Superchat = 1 vote).

Samantala, iginiit din ni Lopez-Feliciano na isang paalala ang ABS-CBN Ball sa publiko na sa gitna ng mga pagsubok patuloy pa ring maglilingkod ang ABS-CBN sa mga Pilipino dahil parte na ng DNA nito ang public service.

Ang ABS-CBN Ball 2023: Forever Grateful ay gabi ng pagpapasalamat ng ABS-CBN sa lahat ng mga taong patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa kompanya. Isa rin itong okasyon upang ibida ang mga adbokasiya ng ABS-CBN Foundation para mas marami ang ma-enganyong tumulong sa Foundation. Huwag palampasin ang red carpet livestream ngayong Sabado (Setyembre 30), 6 pm sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel, Metro.style YouTube channel, Metro Channel, iWantTFC, at TFC. Magiging host ng red carpet special sina Bianca Gonzalez-Intal at Edward Barber habang special correspondent naman si Gretchen Fullido. Para sa ibang detalye tungkol sa Ball, pumunta sa official microsite (theball.abs-cbn.com).