News Releases

English | Tagalog

Kaori at Jeremiah, pagbidahan ang bagong digital romcom series ng ABS-CBN na “Halfmates”

October 10, 2024 AT 08:31 PM

 

Bonggang kilig vibes ang hatid nina Kaori Oinuma at Jeremiah Lisbo na bibida sa pinakabagong romantic-comedy series ng ABS-CBN na “Halfmates” simula ngayong Oktubre 18, 5:30 PM, sa YouTube channel ng ABS-CBN. 

Sa kanilang pagbabalik-tambalan, mga bagong karakter ang paniguradong mamahalin ng kanilang fans sa katauhan nina Dani (Kaori), isang masayahing ex-OFW, at James (Jeremiah), isang tahimik at structured na lalaki. Sa hindi inaasahang sitwasyon, mapipilitan silang magsama sa iisang bubong matapos silang maloko sa isang double sale scam.

Mas magiging mahirap pa ang kanilang sitwasyon lalo pa at milya-milya ang layo ng kanilang mga ugali. Makuha pa kaya nilang magtulungan sa kanilang aso't pusang relasyon? Magkaroon kaya ng tsansa mapunta sa pag-iibigan ang kanilang pagsasama sa iisang bahay?

Sa ilalim ng produksyon ng RCD Narratives, ang "Halfmates" ay idinerehe ni Raz dela Torre, isinulat ni Chie Floresca at Akeem del Rosario, kasama ang creative manager na si Arah Jell Badayos.

Muli ngang mapapanood ng mga Kapamilya sina Kaori at Jeremiah sa "Halfmates" matapos magkasama sa hit series na "He's Into Her," "Fractured," "The Four Bad Boys And Me" at movie na "Love At First Stream." Unang nakilala si Kaori bilang housemate sa “Pinoy Big Brother: Otso” bago nakasama sa blockbuster movie “A Very Good Girl” at award-winning adaptation series “What's Wrong With Secretary Kim,” habang nagsimula naman si Jeremiah sa “Make It With You,” na kalaunan ay nakasama sa cast ng “Unbreak My Heart” at “Pamilya Sagrado.”

Abangan ang pinakabagong digital romcom series ng ABS-CBN na “Halfmates” ngayong Oktubre 18, 5:30 PM, at maglalabas ng bagong episodes tuwing Martes at Biyernes, sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.