News Releases

English | Tagalog

"It's Showtime" hosts, naniniwalang walang formula para manalo sa Magpasikat

October 17, 2024 AT 11:31 AM

Naniniwala ang lahat ng "It's Showtime" hosts na walang hihigat pa sa pagpapasaya sa madlang people tuwing Magpasikat at sinabing walang formula para manalo rito. 

Ani ng Phenomenal Unkabogable star Vice Ganda na may kasamang swerte raw ang pagkapanalo ng isang grupo sa Magpasikat. 

"Parang wala namang formula. Bukod sa pahusayan, may kasama siyang swerte. Kasi minsan kahit ang husay-husay na ng mga kasama mo at kahit naghanda ka na, kapag minalas ka minalas ka," saad niya. 

Inalala nga ni Vice yung nangyari sa kanilang grupo noong nakaraang taon kung saan nasira ang isang parte ng kanilang performance.  

"Just like what happened last year sa grupo namin. May nangyaring masama doon sa prod namin last year na hindi namin mapaliwanag paano nangyari pero wala kaming magagawa kundi tanggapin na minalas kami," dagdag niya. 

Para naman kay Jhong, na isang panalo na lang bago makuha ang grand slam sa Magpasikat, higit na importante na maparamdam nila ang mensahe ng kani-kanilang grupo kaysa  makuha ang panalo. 

"Walang formula. Para sa akin more on mapasa yung mensahe ng performance. Bonus na lang kung mapili kang champion, pero para sa lahat sa amin rito meron kaming gustong ihatid na mensahe sa madlang people. Masaya kami kung nakuha nila yun kahit hindi manalo," pagbabahagi niya. 

Basta mapasaya ang madlang  people at ibinigay ang 100% effort ay masaya na si Ogie Alcasid kahit pa ano man ang resulta. 

"Hindi naman talaga importante yun basta binigay mo yung best mo at hindi puchu-puchu yung ginawa mo. Basta pinaghirapan, pinag-isipan mo at piniga mo na lahat yung effort mong makapagbigay ng Magpasikat na worth the time ng madlang people yun ang importante, " sagot niya. 

Ibinahagi din ng hosts na natutunan nilang tumanggap ng pagkatalo sa Magpasikat at maging masaya sa panalo ng kapwa hosts lalo pa at pare-parehas silang competitive. 

Sa paglapit ng tagisan ng kani-kanilang grupo sa Magpasikat 2024, inilarawan ng ibang hosts ang kanilang 'Magpasikat' performances sa iisang salita. Pagloloko ni Vhong Navarro ito raw ay 'mas amazing,'  fearless naman ang word na binigay ni Kim, piniga naman kay Karylle, 'amazing' din ang kay Ryan Bang,  'cute' naman para kay Jugs, kakaiba para kay Darren, 'spectacular' naman kay Ion Perez, ' mabangis naman kay Jackie Gonzaga,  'wow' kay Cianne Dominguez at 'stunning' naman daw para kay Lassy. 

Samantala ito ang unang Magpasikat na mapapanood ng mga Kapuso viewers sa GMA. Labis din ang pasasalamat ng hosts sa suporta ng network sa kanilang ika-labinlimang anibersaryo.

"Very happy and honored na nandito kami sa GMA. Ramdam na ramdam namin yung suporta at pagmamahal ng GMA. Every day nakikita namin na maligayang-maligaya ang mga Kapuso at sinasamahan din nila kami sa aming journey sa aming 15th year and sa mga susunod pang taon," sey ni Tyang Amy. 

Huwag palampasin ang Magpasikat week simula Oktubre 21 (Lunes), 12:00PM sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, GMA, GTV, ABS-CBN Entertainment's YouTube channel at Facebook page, iWantTFC, TFC, at GMA Pinoy TV. Tutukan din ang online show ng programa na "Showtime Online U” sa YouTube channel ng It's Showtime.