News Releases

English | Tagalog

'And The Breadwinner Is' ng "It's Showtime," pinuri dahil sa pagbibigay pugay sa mga breadwinner

December 04, 2024 AT 12:53 PM

BGYO, sumabak sa paghula ng breadwinner…

 

Pinuri at lubos na tinutukan ng netizens ang bawat episode sa pinakabagong segment ng “It’s Showtime” na ‘And The Breadwinner Is’  dahil sa pagbabahagi ng mga relatable na kwento ng mga breadwinner, kung saan makikita ang kanilang kahanga-hangang pagsasakripisyo para sa kanilang mga pamilya.

Naka-relate rin ang Kapamilya star na si Julia Montes, na lumabas sa November 28 episode, sa mga kwento ng contestants lalo na naging breadwinner siya simula noong limang taong gulang pa lang siya. 

Samantala, pinag-usapan rin sa social media ang buhay ng breadwinner na si April na may 10 na kapatid. Naantig nga ang "It's Showtime" hosts sa kwento niya kaya naman nag-ambagan sila ng pera na umabot sa P100,000 bilang regalo kay April at sa kanyang pamilya ngayong darating na Pasko.

Nagtrending naman ang OPM group na BGYO sa kanilang paghula ng breadwinner sa episode noong Lunes (Disyembre 2). Gayunpaman, nabigo ang grupo na hulaan ang breadwinner mula sa tatlong contenders. Ang tunay na breadwinner na si Ethan, isang personal driver, ay nakatanggap ng libreng hotel staycation, buffet, tablet, executive check-up para sa kanila ng kanyang ina, at P20,000 cash mula sa "It’s Showtime."

Bumuhos naman ang magagandang reaksyon ng netizens kung paano sila nakaka-relate sa mga breadwinner sa segment. 

“Relate na relate ako sa ibang stories sa "And The Breadwinner Is" ng It's Showtime. At the age of 22, I started my 8-5 job and since then,  I shoulder all of the expenses sa bahay - bills, food, shelter, etc. Yung pinaka bagong damit ko pa is galing ukay lagi. I'm so proud lang,” sabi ng X user na si @ijhonrayandrada.

“I can relate much sa Showtime segment na "And the Breadwinner Is" being a breadwinner for the family since age 15. Naiiyak ako palagi sa segment na ito,” komento naman ni @MariaLo77639658.

Huwag palampasin ang “It’s Showtime,” 12:00PM sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, GMA, GTV, ABS-CBN Entertainment's YouTube channel at Facebook page, iWantTFC, TFC, at GMA Pinoy TV. Tutukan din ang online show ng programa na "Showtime Online U” sa YouTube channel ng  It's Showtime.

I-follow ang @abscbnpr on Facebook, X, TikTok, at Instagram para sa iba pang updates, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE