News Releases

English | Tagalog

BINI, ibabahagi ang "Talaarawan" sa debut EP

March 07, 2024 AT 03:50 PM

Pumapag-ibig sa key track na “Salamin, Salamin”

Isang diary na naglalaman ng mga aral sa buhay ang ihahatid ng female pop group na BINI sa kanilang unang extended play (EP) na tinawag na “Talaarawan” na mapapakinggan na simula ngayong Biyernes (Marso 8).
 
Ibinida ng mga miyembro na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena sa kanilang mini-album ang kwento ng pagkakaibigan, pag-ibig, at iba’t ibang hamon sa buhay.
 
 “Very excited kami sa ilalabas namin dahil this will be our first EP. Gusto namin ma-feel ng supporters namin na para nilang kaming diary na pwede nilang lapitan about anything kasi gano’n yung bond namin sa kanila. It’s an open communication,” saad ni Jhoanna.
 
Tampok dito ang key track na “Salamin, Salamin” na iprinodyus nina Mat Olivades at Bojam ng FlipMusic na tungkol sa makulay na pagsisimula ng pag-ibig. Kasama rin sa EP ang mga awitin na “Ang Huling Cha Cha,” “Na Na Nandito Lang,” “Diyan Ka Lang,” at hit singles na “Karera” at “Pantropiko.”
  
Itinakda ng grupo na ilunsad ang “Talaarawan” sa International Women’s Day (Marso 8) bilang bahagi ng advocacy nila para sa kababaihan.
 
“Our advocacy is also women empowerment. We always want to inspire women, and not just women but we want to make sure that people feel confident in their own skin. That's why I think that March 8 is the perfect date," ani Mikha sa panayam sa ABS-CBN News.
 
Sinorpresa ng BINI ang kanilang fans nang inanunsyo nila sa naganap na “Talaarawan” EP media conference noong Miyerkules ang kanilang first solo concert na gaganapin sa darating na Hunyo 28 (Biyernes) sa New Frontier Theater.
 
Naging mainit ang pagsuporta sa tinaguriang “nation’s girl group” matapos nilang ilunsad ang “Pantropiko” noong nakaraang taon. Umabot ang “Pantropiko” fever sa buong bansa pati na rin sa global stars na sina Irene ng Red Velvet at Ryujin ng ITZY na naki-saya sa dance challenge sa request ng fan sa isang fan call. Patuloy rin ang pag-arangkada nito na may higit sa limang milyong streams sa Spotify at naabot din nito ang ikatlong pwesto sa Spotify Philippines Viral Chart habang nag-debut naman ito sa ika-38 pwesto sa Spotify Global Viral Chart. Bukod dito, nasa cover din sila ng Spotify Viral Hit Philippines kung saan tampok ang ilan sa mga sikat na awitin sa bansa.
 
“Ni-release namin siya sa month ng November and yung ‘Pantropiko’ pang-summer siya. But we feel like ang perfect nung timing kasi nagto-top siya sa charts while papasok yung summer so hopefully magtuloy-tuloy ito,” sabi ni Jhoanna.
 
Pakinggan ang feel good na mensahe ng BINI sa kanilang EP na “Talaarawan” na mapapakinggan sa iba’t ibang digital streaming platforms simula ngayong Biyernes. Sundan ang BINI_ph sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, at mag-subscribe sa kanilang official YouTube channel, BINI Official para sa updates.
 
Para sa karagdagang detalye, sundan ang Star Music sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE